January 26, 2026

Home BALITA

Arsobispo, nanawagang huwag sirain mga bundok: 'Creation is crying and we must listen'

Arsobispo, nanawagang huwag sirain mga bundok: 'Creation is crying and we must listen'
photo courtesy: CBCP News, MB file photo

Mahigpit ang panawagan ng isang arsobispo ng Simbahang Katolika sa publiko na huwag sanang sirain at sa halip ay protektahan ang mga kabundukan at kalikasan na siyang nagbibigay ng proteksiyon sa panahon ng kalamidad, gaya ng mga bagyo.

Ayon kay Cebu Archbishop Alberto Uy, ang mga bundok na nilikha ng Maykapal ay likas na pananggalang laban sa mga sakuna.

“Wake up, people of this nation!” ani Uy. “Our mountains protect us from fierce storms, yet we continue to destroy them. When we carve the mountains without conscience, mine them recklessly, or lay them bare, we weaken the very barrier that keeps our communities safe.”

Ipinaliwanag ni Uy na ang mga kagubatan ay may mahalagang papel sa pagpigil ng pagbaha.  Aniya, ang mga ugat ng puno ay sumisipsip ng tubig-ulan, habang ang mga sanga at dahon ay nagbibigay ng proteksyon sa kapaligiran at sa mga komunidad.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Gayunman, binigyang-diin ng arsobispo na patuloy na nasisira ang likas na yaman dahil sa walang habas na pagmimina, illegal logging, at iba pang gawaing nakapipinsala sa kalikasan, mga sanhi ng flashfloods, malawakang pagbaha, at pagguho ng lupa tuwing may kalamidad.

“My dear people, we must change our ways. We cannot keep repeating the same mistakes and expect different results. Creation is not our property to exploit, but God’s gift to nurture. Its wounds are calling out. Creation is crying and we must listen,” giit pa ni Uy.

Nanawagan pa ang arsobispo sa lahat ng mamamayan na magkaisa sa pangangalaga ng kalikasan para sa kapakanan ng kasalukuyan at ng susunod na henerasyon.

“Let us return to the heart of our faith—a heart that respects life, protects the poor, and honors the Creator by caring for His creation. Let us plant trees, protect our mountains, guard our rivers, and hold leaders accountable. Let every parish, every family, every youth, and every leader become a guardian of our common home,” aniya.

Matatandaang kahit na umabot sa kategoryang super typhoon ang Bagyong Uwan na nanalasa sa malaking bahagi ng Luzon, nakatulong naman ang Sierra Madre mountain ranges upang mapahina ang epekto nito sa pagtama sa kalupaan.

Sa huli, ipinaabot din ng arsobispo ang kanyang panalangin para sa kaligtasan, katatagan, at pagkakaisa ng bawat Pilipino sa harap ng mga sakunang patuloy na humahamon sa bansa, kasabay ng panawagang tulungan at lingapin ang mga apektadong residente.

Samantala, sa kaniyang panig, nanawagan naman si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, para sa paghihilom ng mga kabundukan lalo na ang Sierra Madre na pangunahing proteksyon ng mga tao laban sa malalakas na bagyo.

Ayon kay Alminaza, na incoming president ng Caritas Philippines at incoming chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, kinakailangan ang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan upang pangalagaan ang kalikasan at labanan ang katiwalian.

Nagpasalamat din ang Obispo sa biyayang hatid ng Panginoon ng kalikasan, subalit nababahala dulot na rin ng mga pagmamalabis ng tao sa kalikasan.

Aniya pa, panahon na upang tulungan ang Sierra Madre na makapaghilom. “Let us not exhaust the mercy of Sierra Madre — let us help her heal.”