Nilinaw ng Korte Suprema ng Pilipinas na walang katotohanan ang mga kumakalat na social media post na nag-uugnay ng umano’y pahayag ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo tungkol sa sinasabing arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng Korte Suprema Spokesperson Atty. Camille L. Ting nitong Linggo, Nobyembre 9, 2025, binigyang-diin niyang hindi kailanman naglabas ng anumang pahayag o komentaryo si Chief Justice Gesmundo kaugnay ng isyung binabanggit sa mga post.
Ayon kay Ting, “For those seeking confirmation regarding social media posts attributing a quote in Filipino to Chief Justice Alexander G. Gesmundo about an alleged arrest warrant for Senator Bato Dela Rosa, please be advised that these posts are false. The Chief Justice has not issued any statement on this matter.”
Dagdag pa ng tagapagsalita, ang naturang mga post ay pawang kasinungalingan at walang opisyal na batayan. Pinayuhan niya ang publiko na huwag agad maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media, lalo na kung ito ay walang pinanggagalingang opisyal na dokumento o pahayag mula sa Korte Suprema.
Binibigyang-diin din ng Korte Suprema na ang Chief Justice at mga mahistrado ay hindi nagbibigay ng mga pampublikong pahayag hinggil sa mga kasong hindi opisyal na tinatalakay sa hukuman, bilang bahagi ng mahigpit na patakaran sa pagiging neutral at independiyente ng hudikatura.
Sa kasalukuyan, walang inilalabas na anumang kautusan o warrant laban kay Senador Dela Rosa, at patuloy na nananawagan ang Korte Suprema para sa responsableng paggamit ng social media at pagpapanatili ng katotohanan sa pagbabalita.
Matatandaang noong Sabado, Nobyembre 8, nang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kasado na raw ang arrest warrant ng ICC laban kay Dela Rosa.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ano ba talaga, Kuya?' Remulla at Remulla, nagkontrahan sa hakbang ng ICC kay Sen. Bato!