January 17, 2026

Home BALITA

Price Freeze ng basic commodities sa Maynila, kasado ng 60 araw

Price Freeze ng basic commodities sa Maynila, kasado ng 60 araw

Ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang price freeze o pagpapatigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, bilang tugon sa inaasahang matinding pinsala at epekto ng super typhoon “Uwan.”

Sa memorandum na inilabas ng Office of the City Administrator, ipinahayag ni Atty. Eduardo “Warde” Quintos XIV, City Administrator at Chairman ng Committee of Markets, na ang kautusang ito ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ayon kay Quintos, layon ng hakbang na mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Alinsunod ito sa Republic Act No. 7581 o The Price Act, na inamyendahan ng RA No. 10623, na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na magpatupad ng price control sa mga lugar na apektado ng kalamidad, sakuna, o digmaan. 

Sa ilalim ng nasabing batas, ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila ay dapat manatili sa kanilang kasalukuyang antas o prevailing prices sa loob ng panahon ng hindi hihigit sa 60 araw, o hanggang sa ipawalang-bisa ng mga awtoridad ang kautusan.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Kabilang sa mga produktong saklaw ng price freeze ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, mais, tinapay, sariwang itlog, gatas, asukal, kape, gulay, prutas, asin, instant noodles, mantika, sabon, detergent, gasul (LPG), kahoy, uling, kandila, posporo, at mga gamot na itinuturing na mahalaga ng Department of Health (DOH).

Nagbabala rin ang lokal na pamahalaan laban sa sinumang lalabag sa kautusan, kabilang ang mga tindero o negosyanteng sangkot sa hoarding, profiteering, o sadyang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa labis na halaga. Ang mga ganitong gawain ay mahigpit na ipinagbabawal at itinuturing na ilegal sa ilalim ng Price Act.

“Mahigpit naming ipatutupad ang price freeze upang matiyak na hindi maaabuso ang ating mga mamimili sa gitna ng kalamidad. Ipagbibigay-alam din ito agad sa mga pamilihan at tindahan para sa kanilang mahigpit na pagsunod,” pahayag ni Atty. Quintos sa memorandum.

Inatasan din ang Market Administration Office at mga lokal na pamunuan ng mga pamilihan na agad ipakalat ang impormasyon at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng kautusan sa lahat ng pampubliko at pribadong palengke sa lungsod.

Ang kautusan ay ipinalabas sa bisa ng alkalde ng Maynila para sa agarang implementasyon at kabutihan ng mga residente sa gitna ng nararanasang epekto ng super typhoon “Uwan.”