Umakyat na sa 224 ang bilang ng mga namatay dahil sa bagyong Tino, habang 109 ang naitalang nawawala, ayon sa report 6 AM report ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Nobyembre 9.
Sa talang 224 na mga nasawi, 158 dito ang galing sa Cebu; 27 sa Negros Occidental; 20 sa Negros Oriental; walo sa Caraga; tatlo sa Capiz; dalawa sa Leyte at Southern Leyte; at tig-iisa sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol.
Sa tala namang 109 na mga nawawala, 57 dito ang mula sa Cebu; 42 sa Negros Occidental; at 10 mula sa Negros Oriental.
Mayroon na ring 526 na bilang ng mga taong sugatan, kung saan, 454 dito ay mula sa Cebu; 41 sa Leyte’ 28 sa Negros Occidental; dalawa sa Surigao del Norte; at isa sa Surigao del Sur.
Sa kaugnay na ulat, dahil sa patuloy na pagbabadya ng super typhoon Uwan, activated na ang search, rescue and retrieval (SRR) teams mula sa iba’t ibang ahensya.
Binubuo ng 10,713 ang SRR teams mula Armed Forces of the Philippines (AFP);13,000 mula Philippine National Police (PNP); 7,000 mula Philippine Coast Guard (PCG); at 18,000 mula sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa lahat ng SRR teams na ito, 5,428 ang naka-deploy na habang 46,696 ang naka-standby.
Sa kasalukuyan, mino-monitor pa ng OCD ang pagpasok ng super typhoon at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga rehiyon at LGUs (local government units).
“We are closely monitoring with our regions, with all the LGUs, kung ano po talaga ang extend ng effect nitong Uwan. It’s too early to tell ‘yong overall effect kasi nasa kalagitnaan pa lang tayo ng pagpasok niya [Uwan],” saad ni OCD Deputy Administrator, Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
Dito ay nagbabala rin siya sa posibleng widespread damage na madudulot ng super typhoon Uwan dahil sa malalakas nitong hangin.
Kaya, nananawagan ang ahensya na sumunod sa mga abiso ng pamahalaan, makipagtulungan sa kanilang LGUs para sa kaligtasan, at patuloy na ihanda ang sarili, pamilya, at mga kagamitan.
Sean Antonio/BALITA