Ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 buong araw ng Lunes, Nobyembre 10 hanggang Martes, Nobyembre 11 dahil sa masamang panahon dulot ng super typhoon Uwan.
Ayon sa pahayag ng Malacañang, bukod pa sa mga tren, magde-deploy rin ng mga bus ang Office of the President (OP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at ang tanggapan ni Sen. Erwin Tulfo para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero sa buong araw din ng Nobyembre 10.
Ang ruta ng mga bus na ito ay Quiapo-Fairview, Quiapo-Angono, Lawton-Alabang, Roxas Boulevard-Sucat at Taft-Cubao.
Posible rin daw itong palawigin pa hanggang Nobyembre 11, depende sa pangangailangan ng mga pasahero.
Sa kabilang banda, inalis na rin ng Philippine Ports Authority (PPA) ang RoRo terminal fees para sa mga sasakyang lulan ang rescue equipment at relief goods para sa mga lugar na naapektuhan ng super typhoon Uwan.
Kabilang dito ang government at private vehicles na may sakay na relief goods o rescue equipment para sa government agencies.
Libre na rin daw ang cargo fees sa local airlines para sa mga maghahatid ng tulong sa mga napinsalang lugar.
Nauna na ring binigyang-direktiba ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Toll Regulatory Board para maging libre ang toll fees ng mga reresponde sa emergency at rescue operations, kinakailangang dumaan sa expressways.
Panghuli ay tiniyak ng Palasyo na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga pasaherong na-stranded sa mga pantalan at bus terminals, habang patuloy na binabantayan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang sitwasyon sa mga airport na naapektuhan ng Uwan.
Sean Antonio/BALITA