Nakiusap si National Disaster Risk Reduction and Management Council in the Philippines (NDRRMC) at Civil Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. sa mga residente na lumikas at makipagtulungan sa mga otoridad bilang paghahanda sa pag-landfall ng super typhoon Uwan.
“Kami po ay nandito ngayon dahil marami po kaming natanggap na report na hinihikayat na ang ating mga kababayan na mag-preemptive evacuation, at marami po ang ayaw sumunod,” saad ni Teodoro sa kaniyang press briefing nitong Linggo, Nobyembre 9.
Dahil dito, binanggit niya na magsasagawa na ang mga ahensya ng forced evacuation sa mga lugar na inaasahang tatamaan ni Uwan.
“Kaya po pakiusap namin sa ating mga kabayayan, mag-preemptively evacuate na tayo, upang sa ganoon, hindi huli hihingi ng rescue. Dahil kapag huli na tayo humingi ng rescue, nalalagay sa panganib ang buhay ng ating kapulisan, sundalo, bumbero, at coast guard natin,” ani Teodoro.
Nagbabala rin siya na ang hindi pagsunod sa forced evacuation ay paglabag sa batas.
“Ayaw ko naman po magbanta, ngunit kapag may order na forced evacuation ang ating kapulisan at hindi po ito sinunod, ito po ay labag sa batas, at disobedience to a person in authority. Ayaw po nating umabot sa ganoon dahil buhay po ang pinagtatanggol dito,” aniya pa.
Sa pagtatapos ng kaniyang press briefing, hinikayat din ni Teodoro na patuloy na pagtuonan ng pansin ang mga press briefing na isasagawa ng Office of Civil Defense (OCD) para sa mga update tungkol sa super typhoon Uwan.
“Ito po’y pakiusap sa inyong lahat. Antabayanan pa itong Facebook live na 24/7, ang ating mga ahensya ay magbibigay ng live reports sa inyong lahat para sa ganoon, tuloy-tuloy ang communication,” saad ni Teodoro.
“So, magmula po sa amin dito, na lahat ng ahensya ng gobyerno, kami po ay nakikiusap sa inyo, na makipagtulungan na sa amin, para sa ganoon, maayos ang pagbigay ng tulong sa inyo, at hindi po tayo magbu-buwis ng buhay na walang dahilan,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA