Inanunsyo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pansamantalang suspensyon ng trabaho sa kanilang tanggapan sa darating na Nobyembre 10, 2025, bilang pag-iingat sa inaasahang masamang panahon na dulot ng Bagyong Uwan.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng ahensya, sinabi ng ICI na ang desisyon ay bahagi ng kanilang hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng empleyado at field personnel na maaaring maapektuhan ng sama ng panahon.
Ayon sa ulat ng mga ahensiya ng panahon, kabilang ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magdadala ng malalakas na ulan, pagbaha, at matinding pag-ihip ng hangin ang bagyong Uwan sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila, sa mga susunod na araw.
Dahil dito, hinimok ng ICI ang lahat ng empleyado nito na manatili sa kanilang mga tahanan at unahin ang kaligtasan ng kanilang pamilya habang patuloy na binabantayan ang mga opisyal na abiso mula sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya.
Dagdag pa ng komisyon, ipagpapatuloy lamang ang operasyon kapag naging ligtas na ang lagay ng panahon at payagan na ng mga awtoridad ang pagbabalik sa regular na trabaho.
Patuloy namang nagpaalala ang ahensya sa publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga babala ng PAGASA at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at iwasan ang paglalakbay sa mga lugar na binabaha o may posibilidad ng pagguho ng lupa.
Matatandaang maging ang Senado ay nag-anunsyo na rin ng suspensyon ng kanilang trabaho para sa Lunes, Nobyembre 10, bunsod pa rin ng umiiral na sama ng panahon.