Inilikas ang halos 917,000 na mga indibidwal mula sa 11 mga rehiyon sa buong bansa, bunsod ng banta ni super typhoon Uwan.
Sa ibinahaging Facebook post ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo, Nobyembre 9, ang naturang pre-emptive evacuation ay nakapaglikas ng aabot sa 270,682 na mga pamilya.
“Mahigit 270,000 pamilya o halos 917,000 indibidwal na ang inilikas bilang bahagi ng pre-emptive evacuation dahil sa banta ng Super Typhoon #UwanPH,” anang PCO.
“Patuloy ang pagtutok ng mga ahensya at lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat,” saad pa nito.
Photo courtesy: Presidential Communications Office (PCO)/FB
Ayon sa 11:00 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, kasalukuyang binabaybay ng super typhoon Uwan ang rehiyon ng Bicol, kung saan nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa ilang mga lalawigan nito.
Vincent Gutierrez/BALITA