Ikinalungkot ni Kapamilya host-actress na si Anne Curtis ang daan-daang residenteng nasawi matapos humagupit ang bagyong Tino sa iba’t ibang lalawigan sa Visayas at Mindanao kamakailan.
Sa ibinahaging X post ni Anne nitong Linggo, Nobyembre 9, ikinalungkot din niya na hanggang ngayon, wala pa rin umanong nakukulong hinggil sa malawakang korapsyon kaugnay sa anomalya at iregularidad ng ilang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“A painful reminder,” ani Anne sa caption.
Kalakip nito ang isang screengrab mula sa post ng “We Are Millenials,” kung saan nakasaad na higit 140 na ang naitalang nasawi bunsod ni Tino, at 0 pa rin ang tala ng mga nakukulong hinggil sa isyu ng flood control.
Photo courtesy: Anne Curtis/X
Sa isa namang hiwalay na X post ni Anne nito ring Linggo, Nobyembre 9, nagbigay rin siya ng isang pahayag hinggil sa flood control system ng Iloilo, na pumapalo lamang sa ₱4 bilyon, ngunit may kasama na umano itong spillway.
“Grabe. Imagine if all the corruption money was put towards projects like this one in Iloilo.. My heart goes out to all affected... Praying for everyone's safety…,” ani Anne.
Photo courtesy: Anne Curtis/X
Sa huling tala ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Nobyembre 9, umabot na sa 224 ang nasawi dulot ng bagyong Tino, habang 109 naman ang nawawala.
KAUGNAY NA BALITA: Mga nasawi dahil sa bagyong Tino, umabot na sa 224; mga nawawala, nasa 109–OCD-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA