Lumagpas na sa 200 ang bilang ng mga nasawi sa hagupit ng bagyong Tino, ayon sa tala ng Office of Civil Defense nitong Sabado, Nobyembre 8.
Sa kabuoang tala na 204 na mga nasawi, 141 ang mula sa Cebu; 27 sa Negros Occidental; 20 sa Negros Oriental; anim sa Agusan del Sur; tatlo sa Capiz; dalawa sa Southern Leyte; at tig-iisang tala mula sa Antique, Iloilo, Guimaras, Bohol, at Leyte.
Sa 109 din na bilang ng mga nawawala, 57 ang mula sa Cebu; 42 sa Negros Occidental, at 10 naman sa Negros Oriental.
Mayroon namang 156 na naitalang sugatan mula sa Cebu, Leyte, Negros Occidental, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Tinatayang 823,977 pamilya o 2.9 milyong indibidwal ang naapektuhan sa 6,720 barangay mula sa mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga.
Mayroon din tinatayang 29,949 na kabahayan ang nasira habang ₱40.7 milyon ang halaga ng agricultural losses at ₱17.25 milyon sa infrastructure damage.
Sa kabilang banda, ayon sa OCD at PAGASA, inaasahan na magkaroon ng malawakang blackout sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Uwan, na tatagal ng dalawa hanggang tatlong araw, at isang linggo sa mga hard hit na lugar.
“Based sa aming scenario building, ayon na rin sa previous typhoons na tinignan namin, magkakaroon talaga ng blackouts sa areas, lalo na sa Northern Luzon, Central Luzon, and parts na tatamaan [ng bagyong Uwan,” saad ni OCD Deputy Administrator for Administration, Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro sa kanilang press briefing nito ring Nobyembre 8.
“It will take [a] minimum of two to three days para ma-restore ‘yan. Pag hard hit, according to data, to DOE (Department of Energy), one week. Of course, depende ‘yan talaga how fast we can restore,” dagdag pa niya.
Bilang paghahanda rin, itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang red alert status sa buong bansa para ma-mobilize ang lahat ng regional at local disaster units sa paparating na bagyo.
Sean Antonio/BALITA