December 12, 2025

Home BALITA National

'Mas mabuti nang labis kaysa wala!' paalala ni VP Sara sa kahandaan sa bagyong Uwan

'Mas mabuti nang labis kaysa wala!' paalala ni VP Sara sa kahandaan sa bagyong Uwan
Photo courtesy: OVP (FB), DOST - PAGASA (FB)

Naglatag ng mga paalala si Vice President Sara Duterte sa mamamayan na paghandaan umano ang inaasahang malakas na Bagyong Uwan na tatama sa bansa. 

Ayon sa video statement na inupload ng Office of the Vice President (OVP) sa kanilang Facebook page nitong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni VP Sara na posible raw maramdaman ng mga Pilipino ang nasabing bagyo mula Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 10, 2025. 

Aniya, “Ang Bagyong Uwan ay sinasabing posibleng dumaan sa Central o Northern Luzon. Ang pinakamataas na babalang itataas para kay Uwan ay ang signal number five.” 

“Ang signal number five ay nagpapahiwatig ng mga hangin na umaabot sa 185 kilometers per hour o mas mataas pa,” paliwanag pa niya. 

National

Palasyo, itinangging pang-optics, propaganda lang ang Anti-Dynasty bill

Pagpapatuloy pa ni VP Sara, paghandaan na raw ng Pilipino ang malakas na hangin, malakas na ulan, storm surge, at epekto ng bagyo matapos itong manalasa. 

Paliwanag ni VP Sara, maaaring magdulot ang ganitong dala ng nasabing bagyo ng pagtumba ng mga puno, pagkasira ng mga bahay, pagkawala ng kuryente, pagbaha, pagguho ng lupa, pagtaas ng alon, pagkawala ng kuryente at tubig. 

Binigyang-diin din niya na paghandaan nang lumikas ng mga pamilyang nakatira sa mga mapanganib na lugar o high risk area. 

“[M]aghandang lumikas. Kung ikaw ay nakatira sa mapanganib na lugar o high risk area tulad ng baybaying dagat, madaling bahain, o madaling gumuho ang lupa, maghanda sa paglikas kapag inutos na ng mga awtoridad[...]” ‘ika niya.

Dagdag pa ni VP Sara, ihanda rin umano ang mga pagkain, tubug, gamot, baterya, flashlight at iba pa kung sakaling mang mangyari ang hindi inaasahan. 

Ani pa ni VP Sara, “iwasan ang pag biyahe lalo na pagkatapos tumama ng bagyo. Maaaring sarado ang mga daan at kanselado ang mga biyahe. Delikado ang pagguho ng lupa at pagkahulog ng mga puno.”

“[M]agkaroon ng plano sa komunikasyon. Alamin kung saan magkikita ang pamilya kung magkawalaan sa paglikas,” saad pa niya. 

Anang VP, tulungan ang mga matatatanda, may kapansanan, mga bata sa panahon ng unos, at sumubaybay sa mga opisyal na ulat mula sa bulletin ng PAG-ASA at mga lokal na awtoridad. 

“Maghanda tayo habang wala pa ang bagyo para mapanigurado ang kaligtasan ng bawat isa. Mas mabuti nang labis ang paghahanda kaysa walang kahandaan,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: Kahit wala pa sa PAR: Wind signal no. 1, nakataas na sa paparating na Bagyong 'Uwan'

Mc Vincent Mirabuna/Balita