Kalunos-lunos ang sinapit ng isang kalabaw sa Cotabato nang matagpuan ang bangkay nito sa pastulan kung saan siya huling iniwan ng kaniyang amo.
Ayon sa mga ulat, tumambad sa magsasaka ang ilang parte na lamang na katawan ng kaniyang kalabaw kung saan kumpirmadong nawala ang ulo, mga paa, lamang-loob at maseselang bahagi nito.
Bunsod nito, agad na nag-report sa pulisya ang may-ari ng kalabaw kung saan napag-alaman ding isang kabayo rin ang nabiktima ng kaparehang modus sa kabilang sakahan sa nasabing lugar.
Hustisya ang panawagan ng magsasaka sa pagpaslang sa kaniyang kalabaw na kasama na umano niya sa loob ng tinatayang apat na dekada sa pagsasaka.
Samantala, napilitan na lamang daw ang magsasaka na tuluyang ipakatay ang natirang katawan ng kaniyang kalabaw. Ibinenta na lamang daw niya ang mga ito sa kaniyang mga kapitbahay at ang iba ay ipinautang kada kilo sa halagang ₱1,000.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.