Matapos ang pananalasa ng bagyong Tino sa Kabisayaan at habang muling hinaharap ng bansa ang panibagong banta sa anyo ng super bagyong Uwan, muling nabubuksan ang usapan tungkol sa kahandaan at kalagayan ng Pilipinas sa harap ng papatinding pagbabago ng klima, sa kasagsagan ng anomalya ng flood control projects.
At habang pinag-uusapan ito, nagkataong Nobyembre rin nang maganap ang isa sa mga pinakatumatak at hindi malilimutang pananalanta ng isang napakalakas na bagyo, ang super bagyong Yolanda.
Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang wasakin ng super bagyong Yolanda ang malaking bahagi ng Visayas—isang pangyayaring sumubok sa bansa at nag-iwan ng di-matatawarang marka sa kasaysayan, lalo na sa Tacloban, Leyte.
Hindi man madaling balikan ang trahedya, kailangan itong gawin. Lalong lumilinaw ang babala kapag isinama sa mas malawak na konteksto: malalakas na bagyo, matitinding lindol, tsunami, at pagsabog ng bulkan—mga pangyayaring hindi nalalayo sa karanasan ng bansa na nasa Pacific Ring of Fire.
Tatlong linggo bago manalasa si Yolanda noong 2013, yumanig muna ang isang magnitude 7.2 na lindol sa Bohol at Cebu na kumitil ng mahigit 200 buhay. At nang dumating ang bagyo, mas mabigat pa ang tinamaan.
Narito ang ilang mga hindi malilimutang detalye sa pananalasa ng super bagyong Yolanda:
1. Sa sustained winds na 315 kph at gustiness na 380 kph, umakyat si Yolanda sa Category 5 hurricane—isa sa pinakamalakas na nag-landfall sa kasaysayan.
2. Anim na beses itong tumama sa lupa noong Nobyembre 8, 2013:
– Guiuan, Eastern Samar – 4:40 AM
– Tolosa, Leyte – 7:00 AM
– Daanbantayan, Cebu – 9:40 AM
– Bantayan Island – 10:40 AM
– Concepcion, Iloilo – 12:00 NN
– Busuanga, Palawan – 8:00 PM
3. Hindi bababa sa 6,300 ang namatay—pinakamarami sa Leyte at Samar.
4. Umaabot sa 1,800 ang nananatiling nawawala, ayon sa World Vision.
5. Umabot sa 7 metro o higit 22 talampakan ang storm surge sa ilang baybayin ng Leyte at Samar.
6. 90% ng tinahak ng bagyo—humigit-kumulang 1.1 milyong kabahayan at ari-arian—ang napinsala.
7. Tinatayang 14 milyon ang naapektuhan sa 44 na probinsya, at 4.1 milyon ang napaulat na agad lumikas.
8. Humigit-kumulang 33 milyong puno ng niyog ang nabuwal; 5.9 milyong manggagawa sa industriya ng kopra ang nawalan ng kabuhayan.
9. Aabot sa $5.8–$14 bilyon ang tinayang kabuuang pinsala.
10. Ibinilang ito ng WHO bilang Category 3 disaster, kapantay ng 7.0 lindol sa Haiti at Indian Ocean tsunami noong 2004.
PAGBANGON O PAG-UULIT?
Makalipas ang 12 taon, may mga lungsod at bayang unti-unting nakabalik sa sigla. Ngunit ang tanong na hindi pa rin masagot: natuto nga ba tayo?
Ito ang konteksto ng ranggong tinanggap ng Pilipinas noong 2017 mula sa UN World Risk Index bilang ikatlong pinaka-nanganganib sa mga natural na sakuna mula sa 171 bansa.
At tila pinagtibay ito ng mga sumunod na trahedya. Noong humagupit si Bagyong Paeng, umabot sa 121 katao ang nasawi—isang paalala na nananatiling kulang ang sistema ng paghahanda at pagtugon.
HINDI LANG KUWENTO NG RESILIENCY
Sa mga naiwan ni Yolanda, mga numerong masakit balikan at mga alaala ng matinding takot, nananatiling buhay ang aral na hanggang ngayon ay hindi dapat isantabi: hindi simpleng salaysay ng katatagan ang Yolanda, kundi isang babala.
Ipinapakita nitong hindi sapat ang pagbangon kung hindi kasama ang paghahanda. Sapagkat sa harap ng kalikasang may kakayahang magbago nang biglaan at manalasa nang walang kapantay, ang tanging pananggalang ay maayos na plano, maagap na aksyon, at pamahalaang handang umaksyon bago pa dumating ang susunod na sakuna. At para sa mga sangkot sa korapsyon, dapat may managot.