December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'Bumagsak, bumangon, nagtagumpay!' CPA board passer, pasado matapos ang 5th attempt!

#BalitaExclusives: 'Bumagsak, bumangon, nagtagumpay!' CPA board passer, pasado matapos ang 5th attempt!
Photo courtesy: Marjorie Magpayo

Sa isang tahimik na pamayanan sa Brgy. Santolan, Palayan City sa Nueva Ecija, nakatira si Marjorie Tolentino Magpayo, 32 taong gulang—isang simpleng babaeng may simpleng pangarap: ang makamit ang Certified Public Accountancy license na 12 taon niyang hinabol.

At ngayong 2025, matapos ang limang pagtatangka, sa wakas ay natupad na rin niya ang pangarap na iyon, na inakala niyang hindi na matutupad—nakapasa na siya sa board exam!

Pero bago marating ang tagumpay, dumaan muna si Marjorie sa lungkot, pagod, at paulit-ulit na pagkadapa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Marjorie, una siyang nag-exam noong Oktubre 2013 subalit bumagsak siya. Bandang 2014 hanggang 2015, sumubok ulit siya subalit nabigo ulit.

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

Oktubre 2016, muli siyang nag-exam subalit hindi pa rin siya pinalad.

Mayo 2025, naging conditional passer siya, at nitong Oktubre 2025, sumakses na siya!

Kaya hindi raw niya napigilang maiyak nang finally, makita na niya ang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa October 2025 Certified Public Accountant Licensure Examination (CPALE).

“Naiyak po ako sa sobrang saya,” ani Marjorie nang maalala ang sandaling nalaman niyang pumasa na siya. Hindi raw siya agad makapaniwala, dahil para daw itong panaginip na kay tagal niyang hinintay.

Sa loob ng 12 taon, limang ulit siyang sumubok, limang beses ding nabasag ang kaniyang puso. Pero sa ikalimang pagtatangka, sa wakas, nagbunga ang lahat.

“It reminded me that God’s timing is always perfect,” aniya. “Lahat ng pagod at puyat, may kapalit.”

Pamilya: Sandalan sa Panahon ng Pagkabigo

Kung may isang bagay na hindi nagbago sa bawat pag-akyat at pagbagsak ni Marjorie, iyon ay ang kanyang pamilya.

“Sa bawat failure, sila po ang unang nagbibigay ng lakas. Hindi sila nawalan ng tiwala sa akin,” kuwento niya.

Bilang panganay sa apat na magkakapatid, ramdam niya ang responsibilidad. Hindi sila mayaman at nagsumikap ang mga magulang niya para mapag-aral silang magkakapatid. Kaya kahit hirap, pinilit niyang magtrabaho habang nagrerebyu.

Isa ito sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang journey.

Working Reviewee: Ang Totoong Laban

Noong una niyang dalawang pagtatangka, full-time reviewer siya. Pero sa huli at pinakamahirap na tatlong attempts—kailangan niyang magtrabaho habang nag-aaral.

“Mahirap talaga. Pero natuto ako sa time management. Kailangan kong maging disiplinado,” sabi niya.

Sa ikaapat na attempt, naging conditional passer si Marjorie noong Mayo 2025—dalawang subjects na lang ang kulang. Ito ang nagbigay ng bagong pag-asa. Sa ikalimang pagsubok, mas nakapag-focus siya.

"Wala naman po ako malaking binago sa study habits ko; ginawa ko pa rin ang best ko. Pero sa ikalimang attempt ko, dahil po naging conditional passer ako sa 4th attempt, 2 subjects na lang po ang kailangan kong i-retake."

"Dahil po dito, mas nakapag-focus ako at naibigay ko ang tamang atensyon sa 2 subjects at mas naayos ko din po ang time management ko kahit na nagtatrabaho ako."

"Siguro po, combination ng consistent effort at focused preparation sa specific subjects ang nakatulong sa akin na sa wakas ay makamit ang tagumpay," aniya.

At iyon ang nagdala sa kaniya sa tagumpay.

Pananampalataya sa Gitna ng Pagkadapa

Hindi raw maiiwasan ang discouragement. Sa bawat bagsak, dumadalas ang pag-iyak at pagdududa sa sarili. Pero hindi siya bumitiw sa pananampalataya.

“Lagi akong kumakapit kay God. Alam kong hindi pa tapos ang plano Niya para sa akin,” wika niya.

Sa bawat pagkatalo, natuto siyang bumangon ulit. Para kay Marjorie, ang pagkabigo ay katuwang lang ng tagumpay.

Suporta Mula sa Pagmamahal at Pagkakaibigan

Maliban sa pamilya, malaking tulong din ang boyfriend at malalapit niyang kaibigan.

"Aside po sa family ko, nandiyan din po ang boyfriend ko at mga malalapit kong kaibigan. Sila po yung laging nandyan para magbigay ng encouragement at magpaalala sa akin na kaya ko, lalo na po sa mga panahong sobrang pagod o nawawalan ako ng pag-asa," aniya.

"Simple man po ang mga words of encouragement nila, pero malaking bagay po yun para magpatuloy ako. Sila po 'yong mga taong nakikinig kapag gusto kong maglabas ng sama ng loob at nagbibigay ng motivation para bumangon ulit. Dahil po sa suporta nila, mas lumakas ang loob ko at mas naniwala ako sa sarili kong kakayahan. Ang kanilang suporta ang nagpatatag sa kaniya."

Sa ikalimang pagtatangka, natutuhan ni Marjorie ang pinakamahalagang aral: Huwag sumuko, magtiwala sa proseso, at magtiwala sa Diyos.

“May tamang panahon para sa lahat,” sambit niya. “Resilience, faith, self-belief — ‘yan ang natutunan ko sa mga pagdadapa.”

Ngayong Certified Public Accountant na siya, balak ni Marjorie na maging inspirasyon sa iba.

“Gusto kong ipakita sa future board takers na posible pa rin ang tagumpay kahit ilang attempts. Basta hindi susuko,” aniya.

At sa propesyon, nagnanais siyang maging isang responsable at may malasakit na practitioner.

Mensahe sa Mga Paulit-ulit na Bumabangon

Para sa lahat ng examinees na paulit-ulit na nasasawi sa board exam, ito ang mensahe ni Marjorie:

"Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Tandaan niyo na ang bawat kabiguan ay parte ng proseso at oportunidad para mas matuto at maging handa. Mahalaga na maniwala kayo sa sarili niyo at sa tamang timing ng Diyos. Huwag kayong matakot sa pagkakamali at huwag sumuko sa pangarap niyo."

"Ako po na inabot man ng 12 years at ilang pagkabigo, ay hindi sumuko at nalagpasan ang lahat para maabot ang pangarap ko - kaya naniniwala akong kakayanin n'yo rin. Patuloy lang kayong magsikap, mag-aral ng maayos at humingi ng suporta sa pamilya, kaibigan at lalong lalo na sa Diyos."

"Sa huli, makakamtan nyo rin ang tagumpay at mas magiging matamis ang saya kasi alam n'yo kung gaano kayo nagsumikap para maabot 'yon. Ang tagumpay na pinakamahirap makuha, siya ring pinakamalambing sa puso."

At patunay si Marjorie na hinding-hindi hadlang ang paulit-ulit na pagkadapa sa tao na may pangarap, pananampalataya, at paninindigan.

Congratulations, CPA Marjorie!