Tila naglabas ng magkasalungat na pahayag ang magkapatid na sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay ng umano’y hakbang ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ngayong araw ng Sabado, Nobyembre 8, 2025.
Sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, Nobyembre 8, sinabi ni Ombudsman Remulla na mayroon nang arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.
Matatandaang si Dela Rosa, bago maging senador, ay naging hepe muna ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte, na isa umano sa mga naging "architect" ng giyera kontra droga.
Ayon naman kay Interior Secretary Remulla, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na anumang red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol), na karaniwang nagpapatunay at nagpapadala ng abiso kung may ipinapatupad na international arrest request.
"As per the center for transnational crimes, there has been no red notice issued by the Interpol as of 10 minutes ago," pahayag ni Sec. Jonvic sa media.
Kinumpirma rin ng Department of Justice (DOJ) na wala pang dumarating na anumang notipikasyon mula sa Interpol o mula sa ICC laban kay Dela Rosa.
PAGKAKAIBA NG ICC ARREST WARRANT SA RED NOTICE NG INTERPOL
Ang warrant of arrest ng ICC ay direktang utos ng korte para dakpin ang isang indibidwal na inakusahan ng malulubhang krimen tulad ng genocide, crimes against humanity, o war crimes. Dumaan ito sa proseso at batay na rin sa isinagawang imbestigasyon ng prosecutor at aplikasyon ng prosecutor sa pre-trial chamber.
Ire-review ito ng ICC judge, at kapag sumang-ayon ang mga hukom, saka lamang maglalabas ng arrest warrant. Magpapadala naman ng request ang ICC judges sa member states para sa paghingi ng tulong sa pag-aresto ng naisyuhan. Kapag pumayag ang estado, saka lamang mangyayari ang pag-aresto at dadalhin siya sa The Hague, Netherlands.
Samantala, ang red notice naman ay HINDI warrant of arrest. Paunawa ito sa mga pulis sa buong mundo na may hinahanap na indibidwal na may umiiral na arrest warrant sa isang bansa, at kadalasan, dumadaan pa ito sa mahabang proseso. Bahagi ito ng international alert system, na ginagamit ng mga bansa bilang reference kung magsasagawa sila ng aksyon depende sa kanilang lokal na batas.
Maaaring hilingin ng ICC sa isang estado na tulungan silang makakuha ng Interpol Red Notice, ngunit hindi awtomatikong naglalabas ng Red Notice ang Interpol kapag may ICC warrant.