December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ukay-ukay sa Palawan, namigay ng mga libreng damit para sa mga nabiktima ni ‘Tino’

Ukay-ukay sa Palawan, namigay ng mga libreng damit para sa mga nabiktima ni ‘Tino’
Photo courtesy: Rica Reynoso (FB), Chelle Francisco Yara (FB)

“Ang pagtulong wala ka dapat pinipili.” 

Namigay ng mga libreng damit ang isang netizen mula sa Araceli, Palawan sa pamamagitan ng kaniyang ukayan para sa mga nabiktima ng bagyong “Tino.” 

Sa kasalukuyang pinag-uusapan na post sa social media, hinihikayat ni Ricamila Reynoso, ang may-ari ng ukayan, ang kaniyang mga ka-barangay na pumunta sa kaniyang tindahan para kumuha ng mga damit na kailangan nila. 

Ilan sa mga itinitinda niya ay mga pajama, pantalon, dress, tokong, at mga kidswear, at bukod pa sa dito, mayroon ding mga punda at kumot.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reynoso, ibinahagi niya na walang limit ang mga puwedeng kuhanin na damit at kagamitan sa kaniyang ukayan dahil naniniwala siyang sa simpleng pagbubukas ng kaniyang mga paninda, makakatulong siya sa mga kababayang nasalanta ng bagyo. 

“No limit po ito, bahala na po sila kumuha ng mga kakailanganin nilang suotin para sa kanilang pamilya. Dahil sa pagtulong, wala ka dapat pinipili at walang iba sa aking isip kung hindi ang makapagbigay ng tulong kahit sa simpleng bagay na mayroong ipinagkaloob sa akin ng Diyos, akin ding ibabahagi,” saad ni Reynoso. 

Kahit hindi rin kalakihan ang kaniyang ukayan, dinagsa pa rin daw ito ng mga tao kaya naubos kaagad ang kaniyang mga paninda, at bukod sa mga taga-Araceli, dumayo rin daw sa kaniya ang mga nasa ibang purok sa pamamagitan ng mga shared post sa social media. 

“Bukas everyday 8 am till 8 pm ang ukayan, pero ang [mga] pinamimigay [ko] po na ukay, kakaubos lang,” aniya. 

Ang mga bagong stock naman daw niya ay kasalukuyan pang nasa byahe at sa Linggo o Lunes pa ang inaasahang dating sa kaniya.

Nang tanungin kung kumusta ang lagay nila sa Palawan, binanggit ni Reynoso na marami pa rin sa mga kababayan niya ang nawalan ng bahay at pangkabuhayan, at sila’y nangangailangan ng tulong. 

Sean Antonio/BALITA