Nilinaw ng spokesperson ng Trillion Peso Movement na si Atty. Howard Calleja na hindi umano totoong iniiwasan nila na tukuyin ang administrasyong Marcos at Duterte sa panawagan nila sa kanilang mga kilos-protesta.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Calleja nitong Biyernes, Nobyembre 7, nilinaw niyang para sa buong korapsyong nagaganap sa gobyerno ang tunay nilang nilalabanan.
“Hindi naman namin sinasabing ayaw. Kasi nga ang grupo naman namin for buong korapsyon, buong gobyerno,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “whether umabot ‘yan kay Marcos, kay Duterte, or whatsoever. Hindi namin sinasabi ‘yan. Ang sinasabi lang namin, walang problema, panagutin natin. Kahit si Marcos o si Duterte pa ‘yan.”
Ani Calleja, hindi raw nila pinananawagan na magbitiw sa puwesto ang matataas na opisyal sa panahon ngayon at tuluyang bumagsak ang gobyerno.
“Pero hindi po tayo hihingi [na] sila ay mag-resign or sila ay palitan at this point in time. Kasi nga, hindi naman ito for a raging change. So kung gusto natin ay managot, tayo ay magkakasundo sa pananagot pero hindi ‘yong pabagsakin ang isang gobyerno[...]” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Calleja, nakikipag-ugnayan na raw sila sa mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Shrine at Monoment sa Quezon City para magkaisa sa susunod na pagkilos.
“Marami rin akong kausap sa grupo nila na ang sabi o ideya namin ay magsama kami. We are working on that na talagang magsama ‘yong Luneta group at ‘yong EDSA group,” ‘ika ni Calleja.
“Sa aming grupo sa Trillion Peso, we would like to be inclusive to include everybody,” paglilinaw pa niya.
Dagdag pa ni Calleja, pare-pareho naman daw ang ninanais ng taumbayan na may managot sa mga korapsyon lantad na ngayon sa publiko.
“Habang magsama-sama tayo, mas maganda. Kasi, as I said, pareho naman ‘yong gusto natin na managot sila kung sino man sila,” pagtatapos pa niya.
Nakatakdang magkasa ng mas malaki umanong kilos-protesta ang mga progresibong grupo, kasama na ang Trillion Peso March, sa darating na Nobyembre 30, 2025.
MAKI-BALITA: Atty. Falcis sa ikakasang kilos-protesta ng INC: ‘Uy confirmed si tweety bird, November 15-18 ang Peace Rally’
MAKI-BALITA: Mga grupo ng kabataan, hindi hihintayin Nov. 30 para magsagawa muli ng kilos-protesta
Mc Vincent Mirabuna/Balita