Iniratsada ng Muntinlupa City ang kauna-unahang “Early Warning System for the Deaf” sa bansa, noong Huwebes, Nobyembre 6, 2025.
Sa Facebook post ng City Government of Muntinlupa nitong Biyernes, Nobyembre 7, iginiit nitong color-coded ang nasabing warning system upang makapagbigay-impormasyon sa mga nasasakupan nilang may karamdaman sa pandinig.
"Ang sistemang ito ay gumagamit ng multi-colored LED beacon lights na nagbibigay ng malinaw at color-coded na babala para sa iba’t ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at iba pang emerhensiya. Kapag may na-detect na panganib, i-aactivate ang sistema na nagpapailaw ng mga partikular na kulay na tumutukoy sa uri ng sakuna," anang City Government of Muntinlupa.
Samantala, iginiit din ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na ang kahandaan sa mga kalamidad ay dapat eksklusibo para sa lahat.
"Ang kahandaan ay dapat para sa lahat. Gusto nating maging ang mga kababayan nating hindi nakaririnig ng sirena o anunsyo ay makatatanggap ng babalang makapagliligtas ng buhay," anang alkalde.
Sa kabuuan, mayroong 20 beacon lights na naka-install sa mga pampublikong lugar sa Muntinlupa City kagaya ng mga paaralan, health centers at mga pangunahing kalsada sa lungsod.
Ang nasabing mga beacon lights ay pawang mga karagdagan umano sa 17 early warning system siren sa nasabing lungsod.