December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

Mga nasawi sa bagyong ‘Tino,’ umakyat na sa 188; mga nawawala, nasa 135 na

Mga nasawi sa bagyong ‘Tino,’ umakyat na sa 188; mga nawawala, nasa 135 na
Photo courtesy: Philippine Army (FB)

Umakyat na sa 188 ang bilang ng mga nasawi mula sa hagupit ng bagyong ‘Tino’ sa rehiyon ng Visayas at ilang parte ng Mindanao, habang 135 ang tala ng mga nawawala at 96 ang mga nasugatan, ayon sa 6:00 AM report ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes, Nobyembre 7. 

Ayon pa sa OCD, ang probinsya ng Cebu ang bumubuo sa pinakamalaking bilang ng mga nasawi, sa tala na 139, 79 naman na nawawala, at 84 na mga sugatan. 

Sinundan ito ng Negros Occidental sa talang 24 na mga nasawi, siyam sa Negros Oriental, anim sa Agusan del Sur, tatlo sa Capiz, dalawa sa Southern Leyte, at tig-iisa sa Antique, Iloilo, Guimaras, Bohol, at Leyte. 

Mayroon namang 635,565 pamilya o 2,258,782 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong “Tino” sa 5,535 barangay sa Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol (Region 5), Western Visayas (Region 6), Negros Island Region (NIR), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), at Caraga (Region 13).

Probinsya

Higit ₱10M halaga ng marijuana, nasabat sa Ilocos Sur

Sa bilang din na ito, mayroong 88,649 na pamilya o 318,703 indibidwal ang nananatili sa 3,050 evacuation centers, habang 23,350 pamilya o 78,931 indibidwal ang nasa labas ng evacuation sites o nananatili sa kanilang mga kaanak. 

Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 9,585 mga bahay naman ang nasira sa mga probinsya sa Regions 6, 7, 8, 10, at 13.

Ang initial estimates ng mga danyos sa agrikultura sa Region 6 ay tinatayang aabot ng ₱ 10.6 milyon, habang ₱ 6.3 milyon naman ang danyos sa imprastraktura sa Regions 4B at 13. 

Sa kaugnay na ulat, ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “National State of Calamity” sa buong bansa noong Huwebes, Nobyembre 6 dahil sa malalaking bilang ng mga nasawi at nawawala dahil sa pananalanta ng bagyong “Tino” at bilang paghahanda sa parating na bagyong “Uwan.” 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagbaba na ng 'National State of Calamity' para sa mabilis na access sa emergency fund

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang papasok ang bagyong “Uwan” sa  Philippine area of responsibility (PAR) sa Nobyembre 7, Biyernes o umaga ng Nobyembre 8, Sabado.

“Individually, mag-monitor tayo sa mga balita, from TV, radio, and social media. Pangalawa, it’s time to stock. Mag-stockpile na tayo ng mga pagkain, tubig, and other supplies, like first aid kits, good for three days , kasi kapag mga ganitong pangyayari puwede tayong nasa bahay lang, at maraming establishments na hindi makapag-provide ng services,” paalala ni OCD deputy administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV. 

“Iwasan na rin muna ang non-essential travels, ‘yong paglabas, lalo na ‘yong mga gustong mag-weekend [vacation] ngayon. Huwag na rin muna natin ipilit ang sea travels,” aniya pa. 

Idinagdag din niya ang paghahanda ng mga de-bateryang kagamitan dahil sa inaasahang pagkawala ng kuryente, maging ang paglilinis ng mga estero para maiwasan ang paglala ng baha. 

Sean Antonio/BALITA