Hustisya ang panawagan ni Cebu Governor Pamela Baricuatro bunsod umano ng palpak na flood control projects na nagpalubog sa kanilang lalawigan sa pananalasa ng bagyong Tino.
Sa pagharap ni Baricuatro sa media noong Miyerkules, Nobyembre 5, 2025, iginiit niyang itataas daw niya ang diskusyon ng tinatayang P26 bilyong flood control projects kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"We will discuss with President Marcos regarding the P26 billion flood control funds. It’s not enough that Cebuanos are resilient -- justice must also be pursued," anang gobernadora.
Ayon sa kasalukuyang datos ng Sumbong sa Pangulo website,mayroong 414 flood control projects sa buong Cebu na inimplimenta mula 2022 hanggang 2025 na may kabuuang halaga na P26.7 bilyon.
Kinumpirma din ni Baricuatro na naisumite na nila sa Provincial Government ang mga dokumentong kinakailangan sa paghiling daw nila sa National Bureau of Investigation (NBI) Central Visayas na maimbestigahan ang naturang mga maanomalyang proyekto.
Giit pa ng gobernadora, "Kaning flooding nato, this could have been prevented. How come wala ni nila nahimuan og paagi before? They have been here for years, decades, here in Cebu Province, unya nganong ingon ani ni? What happened to the flood control projects?"
Samantala, batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), 188 ang naiulat na nasawi sa pananlasa ng bagyong Tino sa Visayas kung saan 139 sa mga ito ay kumpirmadong mula sa lalawigan ng Cebu.