December 12, 2025

Home BALITA

'Hindi po ako hihingi ng tawad!' DOTr acting chief, itinangging ipinahiya kawani ng LRT-1

'Hindi po ako hihingi ng tawad!' DOTr acting chief, itinangging ipinahiya kawani ng LRT-1
Photo courtesy: DOTr/FB


Nanindigan si Department of Transportation (DOTr) Acting chief Sec. Giovanni “Banoy” Lopez na hindi siya hihingi ng tawad, paumanhin, o pagpapasensya, hinggil sa kontrobersiya ng umano’y pamamahiya niya sa isang kawani ng LRT-1 Baclaran Station.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Transportation Sec. Lopez nitong Biyernes, Nobyembre 7, itinanggi niyang ipinahiya niya ang naturang station manager.

“Una po, hindi po ako hihingi ng tawad, paumanhin, o pagpapasensya sa ating mga kasamahan sa union, ‘no. Una po, hindi ko po pinahiya ‘yong kanilang manager, wala po akong intensyon,” panimula ni Sec. Lopez.

“Kung mayroon man nagpahiya sa union, [iyon] ay ‘yong kalagayan at estado ng Baclaran Station,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ng kalihim na kung siya ay hihingi ng tawad, ibibigay niya umano ito sa mga pasaherong nagdurusa sa estado ng ilang istasyon sa LRT.

“At kung sakaling kailangan ko po humingi ng tawad, humingi ng dispensa, at humingi ng pagpapasensya, hihingi po ako sa libu-libong commuters po—na ilang taon na pong nagdurusa sa kalagayan at estado ng mga piling istasyon ng LRT-1,” saad ng kalihim.

“Sila po ‘yong may karapatan na humingi, hingiin sa akin ang apology, at sa kanila ko po ibibigay, wala na pong iba,” pagtatapos niya.

Matatandaang binatikos kamakailan ng National Federation of Labor (NFL) Chapter 001 – Light Rail Manila Corporation Supervisory Union at Chapter 003 – Light Rail Manila Corporation Rank and File Union ang umano’y pamamahiya at hindi propesyonal na asal ni Sec. Lopez sa nasabing kawani ng LRT-1.

“Wala ni isang opisyal ng pamahalaan ang may karapatang mamahiya, mang-insulto o sigawan ang isang manggagawa sa publiko. Ang ganitong uri ng public reprimand ay hindi lamang nakababawas sa moral ng mga manggagawa kundi nagpapakita rin ng pagmamalaki at kawalan ng tamang proseso,” anang grupo.

KAUGNAY NA BALITA: Grupo ng mga manggagawa, binengga si DOTr acting chief. Giovanni Lopez-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA