December 13, 2025

Home FEATURES

#BalitaExclusives: Survivors sa Cebu, isinulat pangalan sa balat sakaling anurin ng baha

#BalitaExclusives: Survivors sa Cebu, isinulat pangalan sa balat sakaling anurin ng baha
Photo courtesy: Erah

‘KASI 50/50 CHANCE OF SURVIVAL NA PO TALAGA’

May mga pagkakataong mapupunta ang isang tao sa pinakadelikadong sitwasyon ng kanilang buhay. 

Sa ganitong mga bibihirang panahon, hindi maiiwasang mag-isip at maghanda ng mga tao sa kanilang kamatayan kung sakaling hindi palaring makaligtas.

Partikular sa katatapos lamang na pagragasa ng Bagyong Tino sa lalawigan ng Cebu. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Samu’t saring kuwento ang nasaksihan ng taumbayan sa kalunos-lunos na pinagdaanan at sinapit ng kanilang mga kababayan sa nasabing lugar. 

May mga natangay ng malakas na agos ng pagbaha, may ilang bahay na gumuho kasabay ng mga pangarap na binuo ng bawat miyembro ng pamilyang minsang nanirahan dito, may ilang hindi mga pinalad, at may ilang naiwang natulala dahil hindi na alam kung paano muling magsisimula. 

Sa gitna ng ganitong delikadong sitwasyon, may ilan na isinulat na lang din ang pangalan sa kanilang balat upang madaling matukoy ang kanilang katawan kung sakaling matangay sila ng tila bangungot na pagbaha dulot ng naturang sakuna. 

Ganito ang kuwentong ibinahagi ni “Erah” mula sa Mandaue City sa naging eksklusibong panayam niya sa Balita nitong Biyernes, Nobyembre 7, 2025. 

Pagkukuwento ni Era, bago pa man manalasa ang Bagyong Tino noong Nobyembre 4, 2025, pinaghandaan na raw nila ang pagdating ng nasabing unos. 

“Nag-grocery na po kami and may emergency alarms,” pagsisimula niya, “emergency blanket and naka-plastic bag na lahat ng gamit namin.”

Ayon pa kay Erah, kahit daw ang mga alaga nilang hayop ay nilagyan na rin nila ng name tags at contact number upang mahanap kung sakali mang may mangyaring hindi inaasahan. 

“Naglagay din ng tag sa pets namin with our contact numbers because we are confident they can survive if something happens,” aniya. 

Ngunit sa gitna raw ng pananalasa ng Bagyong Tino, nakita nilang unti-unti nang umabot hanggang baywang ang taas ng tubig.

“Nasa second floor na po kami at almost waistline na po yung tubig,” saad niya. 

Dahil umano sa mabilis na pagtaas ng tubig, malakas na hangin at ulan, naisipan daw nilang isulat ang pangalan nila sa kanilang balat. 

“Paglalagay na po kami ng pangalan sa arms namin gamit ang marker. Inuna ko po ‘yong pamangkin ko na 13 years old,” pagbabahagi niya. 

Paliwanag ni Erah, ginawa raw nila iyon upang mabilis na matukoy ang kanilang pangkakakilanlan sakali mang paghiwa-hiwalayin ng baha.  

“Para at least mabilis pong ma identify yung katawan namin if ever and ma-reunite kami kahit katawan lang namin and ma-claim agad. Pinagpa-sa-Diyos na lang po namin that time even we are not ready to die,” pagkukuwento niya. 

“Kasi po 50/50 chance of survival na po talaga and only way to get rescued is helicopter,” pagtatapos pa ni Erah. 

Samantala, nagpapasalamat naman umano si Erah sa Diyos dahil nakaligtas siya, ang kaniyang pamilya, at mga alagang hayop sa kabila ng matinding pananalasa ng Bagyong Tino. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita