December 12, 2025

Home FEATURES

#BalitaExclusives: Nalubog, nababad sa baha na camera gear, tanging source of income ng Freelance Photographer

#BalitaExclusives: Nalubog, nababad sa baha na camera gear, tanging source of income ng Freelance Photographer
Photo courtesy: Glen Felicilda Sapal

“Sobrang mahalaga po sa akin ang mga gamit ko na iyon dahil doon po ako kumikita.” 

Pinahahalagahan ng tao ang mga bagay na higit nilang nagagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay—upang mabuhay, para bumuhay.

Ngunit paano kung ang tanging gamit na pinahahalagahan mo at mayroon ka ay mawala o masira sa gitna ng malakas na unos nang hindi mo inaasahan? 

Ganito ang kuwentong pumukaw sa atensyon ng netizens mula sa videong ibinahagi ni Glen Felicilda Sapal sa kaniyang TikTok noong Nobyembre 5, 2025. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Photo courtesy: Glen Felicilda Sapal

Photo courtesy: Glen 2.0 (TikTok)

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Glen nitong Biyernes, Nobyembre 7, sinabi niyang nakatira siya sa Brgy. Maslog,Tomas Oppus, Southern Leyte at isa raw siyang Freelance Photographer. 

Pagkukuwento ni Glen, nagsimula raw nilang maramdaman ang lakas ng Bagyong Tino bandang mga alas nuwebe ng gabi noong Martes. 

“Nagsimula pong bumuhos ang ulan at hangin mga bandang alas nuwebe po ng gabi. Kasalukuyang nasa bahay pa po ako noon, samantalang ang nanay at mga kapatid ko ay nasa  kapitbahay at nag-evacquate na,” simula niya. 

Ani Glen, nagawa rin naman daw niyang ihanda ang kaniyang mga gamit at camera gears bago dumating ang unos. 

“Naka-impaki naman na lahat ng gamit ko. Ipinatong ko po para kung sakali tataas ang tubig ay ‘di po siya maabot. Mga bandang 10 ng gabi, nawala po ang kuryente at lumakas ang hangin. Tumakbo na po ako papunta doon sa kapitbahay namin, di ko na po naalala na ‘yong mga gears ko,” pagbabahagi ni Glen. 

“Mga bandang 12 ng hatinggabi po, tumaas po ang tubig-baha doon sa pinaglikasan po namin. Kaya tumakbo po ako pauwi ng bahay kasi naalala ko na nandoon pala ‘yong gears ko,” dagdag pa niya. 

Naabutan na lang daw ni Glen na nakalutang ang case ng kaniyang camera gears sa baha at agad niya itong binuksan. 

“Akala ko safe lang ‘yon kasi nakapatong naman po ‘yon pero nang pagdating ko ng bahay, nakalutang na po ‘yong bag na pinaglalagyan kung ng case ng camera ko. Kaya dali-dali kong pinulot ‘yon at binuksan,” ‘ika niya. 

Saad ni Glen, hindi raw niya alam ang kaniyang naramdaman nang makitang nalubog sa baha ang camera gears na bukod-tangi niyang puhunan para magtrabaho. 

“‘Di ko na po ma-explain yung nararamdaman ko kaya naiyak na lang po ako kasi may mga upcoming shoot pa sana ako ngayong buwan,” ani Glen. 

“At sobrang mahalaga po sa akin ang mga gamit ko na iyon dahil doon po ako kumikita. Sa trabaho ko po na ito ay nagtutulungan ko rin po ang magulang ko. Ito lang po sa ngayon ang source of income ko kaya sobrang  nanlumo po ako na wala na akong magagamit,” paliwanag pa niya. 

Inilagay na lang muna ni Glen ang kaniyang camera gear sa bigasan sa pag-asang baka matuyo at muling mabuhay pa ang kaniyang camera. 

“Sa ngayon po ay nasa bigasan pa po namin ang mga gears ko, nagbabakasakali na baka makatulong upang natuyo.”

“Hanggang ngayon ay hindi ko pa po binuksan kasi parang ansakit lang tignan na ang pinaghirapan ko ay ganun na lang mawawala na hindi ko inaasahan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, umabot na sa mahigit dalawang (2) milyon ang nakapanood sa naturang post ni Glen sa Tiktok. 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Survivors sa Cebu, isinulat pangalan sa balat sakaling anurin ng baha

MAKI-BALITA: 'We really just don't even know where to begin!' Animal shelter, nagpapatulong

Mc Vincent Mirabuna/Balita