Bumaba ang antas ng tiwala at performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte para sa ikatlong quarter ng 2025, batay sa pinakabagong datos ng OCTA Research.
Ayon sa Tugon ng Masa Survey ng OCTA, bumaba ng pitong puntos ang trust rating ni Marcos, mula 64% noong Hulyo 2025 tungo sa 57% batay sa pinakabagong survey.
Nagmula sa Luzon ang pinakamataas na porsyento ng tiwala kay PBBM may 67%, sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 55%. Tumaas naman ng limang puntos ang hindi nagtitiwala sa kaniya na umabot sa 25% na karamihan ay mula sa Mindanao.
Sa performance rating, bumaba rin si Marcos ng walong puntos — mula 62% noong Hulyo patungong 54% ngayong quarter — habang nakapagtala ng 26% dissatisfaction rating.
“Even with the observed declines, President Marcos Jr. continues to enjoy majority trust and approval among Filipinos, maintaining both ratings above the 50% mark,” anang OCTA Research.
Samantala, si VP Sara ay nakapagtala rin ng bahagyang pagbaba sa kaniyang ratings, at tuloy-tuloy umano ang pagbaba ng antas ng trust at performance ratings.
Mula 54% noong Hulyo, bumaba ng tatlong puntos ang trust rating ni Duterte tungo sa 51%. Pinakamataas ang tiwala sa kaniya sa Mindanao na may 84%, sinundan ng Visayas na may 63%. Tumaas naman ng isang puntos ang hindi nagtitiwala sa kaniya, umabot sa 24%.
Bumaba rin ng isang puntos ang performance rating ng Pangalawang Pangulo — mula 50% noong Hulyo tungo sa 49% — habang nanatili sa 26% ang dissatisfaction rating.
Saad pa ng OCTA Research, “In contrast, Vice President Duterte-Carpio’s trust rating remains within majority levels, but her performance rating slipped slightly below the majority.”
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa buong bansa mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, 2025.