Itinutulak ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang paggamit ng mga drone sa mga operasyon ng disaster assessment matapos ang trahedyang pagbagsak ng isang Philippine Air Force (PAF) Super Huey helicopter sa Loreto, Agusan del Sur, na nakatakda sanang magsagawa ng pagsusuri ng pinsala dulot ni Bagyong Tino.
Ayon kay Teodoro, na siya ring chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kailangang pag-aralan ng pamahalaan ang paggamit ng mas ligtas at makabagong teknolohiya sa pagtukoy ng lawak ng pinsala sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Aniya, maaaring simulan ng gobyerno ang pagde-develop ng mga dedikadong drone system para sa mabilis na aerial survey.
Iginiit din ng kalihim na inatasan na niya ang Office of Civil Defense (OCD) na pag-aralan kung paano maisasama ang paggamit ng unmanned aerial technology sa mga operasyon ng disaster response.
Paliwanag ni Teodoro, makatutulong ang teknolohiyang ito upang mas mabilis makakalap ng datos at mabawasan ang panganib sa mga tumutugon sa kalamidad.
Dagdag pa niya, bagaman hindi ganap na mapapalitan ng mga drone ang mga manned operations, maaari itong maging mahalagang bahagi ng preliminary assessment at risk mapping.
Binanggit din ni Teodoro na ang paggamit ng mga drone ay makatutulong upang maiwasan ang mga trahedyang tulad ng naganap na pagbagsak ng helicopter, habang pinatitibay ang kakayahan ng bansa sa disaster preparedness.
Ang bumagsak na eroplano ay bahagi ng isinasagawang post-storm reconnaissance mission noong Martes, kung saan ilang tauhan ng Air Force ang nasawi.
KAUGNAY NA BALITA: AFP, DND, nakiramay sa nasawing 6 PAF personnel sa Agusan Del Sur