Court dito, court doon. Kahit saan yatang sulok ng Pilipinas ay may makikitang basketball court. Mula sa mga masukal na kalye, hanggang sa naglalakihang mga stadium, tila ba kasama na sa kultura ng mga Pinoy ang larong ito.
Anong kayang rason bakit sobra na lamang ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa larong basketball?
Pagsisimula ng larong Basketball sa Pilipinas
Ayon sa mga ulat, ang mga Amerikano ang nagpakilala ng larong Basketball sa Pilipinas. Nang ito ay nagsimulang maging tanyag, naging “way of life” na ito, partikular na ng mga kalalakihan dahil sa “simplicity” at “accessibility” ng larong ito.
Dahil din sa pakikibahagi ng Pilipinas sa ilang lokal at internasyonal na patimpalak hinggil sa larong ito, tila naging “identity” na rin ng mga Pinoy ang basketball.
Noong 1936, pormal na naging miyembro ng International Basketball Federation (FIBA) ang Pilipinas, habang nakonsidera naman bilang main sport ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang basketball noong 1938, na lalong nagpaigting sa “passion” ng mga Pinoy sa team sport na ito.
Dahilan kung bakit humaling sa Basketball ang mga Pilipino
Ayon sa Sports News PH, normal na sa mga Pinoy ang maging “social” na mga indibidwal. Dahil dito, nagtutugma ang “nature” ng larong basketball sa kultura at kaugalian ng mga Pilipino, kung kaya’t madali itong minahal ng masa.
Madali rin umanong maghanda para makapaglaro ng basketball. Simpleng bola, isang ring, at sapat na espasyo, tiyak makakapaglaro na ang mga nais sumubok nito. Isa pa, kahit saan ay maaari itong gawin, sa parke, sa lote, o maging sa kalye.
Maraming basketbolistang Pinoy ang naging matagumpay na sa larangan ng sport na ito, tulad nina Robert Jaworsky, Asi Taulava, Alvin Patrimonio, Kai Sotto, June Mar Fajardo, Jimmy Alapag, at maging si Scottie Thompson. Dahil sa inspirasyong dulot ng mga manlalarong ito, marami ang naeengganyo rito at madalas ay iniidolo pa nila ang mga naturang personalidad.
Nagbibigay ito sa kanila ng pag-asa at determinasyon na abutin ang kanilang matataas na pangarap, tulad ng pagsali sa Philippine Basketball Association (PBA), o kaya naman sa UAAP, at sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Para sa mga Pilipino, ang larong Basketball ay hindi lamang isang simpleng laro, ito ay nagbibigay sa kanila ng kasiyahan. Nagpapakita rin ito ng “sense of unity” at “pride,” na siyang binibigyang importansya ng mga Pinoy.
Vincent Gutierrez/BALITA