Kung siya raw ang tatanungin, nakahanda raw ang aktor, TV host, at dati na ring public servant na si Anjo Yllana na tumakbong senador sa darating na 2028 national elections.
Iyan ang mismong sinabi niya sa panayam ng entertainment site na Philippine Entertainment Portal (PEP) sa kaniya, nang pumutok ang isyu ng bantang pagsisiwalat sa umano'y "kabit" ni Senate President Tito Sotto III, gayundin sa iba pang mga pasabog na may kinalaman sa longest-running noontime show na "Eat Bulaga."
Ito raw ay "bluff" lamang daw ni Anjo dahil sa pagkabanas sa mga "troll" na bina-bash siya, na aniya, ay mula umano sa kampo ng senate president.
Isa pa raw, may kinalaman din umano sa sigalot ng Eat Bulaga hosts at pamunuan ng TAPE, Inc. ang paglalabas niya ng ganoong pasabog. Nang matanong daw kasi siya ng press tungkol dito, nasabi raw niya na ang may-ari ng Eat Bulaga ay mga Jalosjos, bagay na ikinagalit daw ng mga taga-noontime show. Matatandaang kumalas sa TAPE ang TVJ bitbit ang co-hosts at mismong show noong Mayo 31, 2023. Namaalam naman sa show si Anjo noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya.
May kinalaman din umano ang pagiging "DDS" o Diehard Duterte Supporter ni Anjo sa naging mga hakbang niya, matapos naman siyang banatan ng ilang mga tagasuporta ni Sotto. Si Sotto ay iniuugnay raw bilang nasa panig ng administrasyon dahil sa pagiging senatorial candidate niya sa slate na "Alyansa Para sa Bagong Pilipinas" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos. Jr. sa nagdaang national and local elections (NLE).
Si Anjo raw ay aktibong nagpapahayag ng kaniyang damdamin laban sa administrasyon dahil sa pamamalakad nito sa kaslaukuyan.
"Eh siyempre si Titosen kaalyado ng present government, so yung trolls ng Eat Bulaga! inaaway ako," mababasa pa sa pahayag ni Anjo.
Kuwento ni Anjo, mukhang hindi na matutuloy ang banta niyang paglalantad sa umano'y "karelasyon ng senate president batay sa binitiwan niyang pagbabanta sa social media, matapos ang pag-uusap nila nina Vic at Maru Sotto, mga kapatid ng senador.
Aminado si Anjo na nang magkausap daw sila ng mga utol ng senate president ay galit sila sa kaniya dahil nga naman hindi rin basta-basta ang mga binitiwan niyang alegasyon.
Ipinagdiinan daw ng magkapatid na Sotto na walang bayarang trolls si Titosen na umaaway kay Anjo. Kaya naman, nagkasundo ang dalawang panig na mananahimik na si Anjo at hindi na magsasalita pa, bagama't sinabi niyang hindi raw siya naniniwalang wala.
Pinahahalagahan daw ni Anjo ang malalim na pinagsamahan nila ni Vic na tinatawag niyang Bossing.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto
Nang matanong si Anjo kung may balak bang tumakbo sa eleksyon si Anjo, sinabi niyang "willing" daw siya matapos siyang hikayatin ng followers niya, na nanonood sa kaniyang live sa tuwing nagpapahayag siya ng mga pananaw-politikal.
May mga nagsasabi pa nga raw na dapat siyang tumakbo bilang vice president o president pero hindi naman daw niya pinapansin. Pero sa hirit na senador, pinag-iisipan daw ni Anjo lalo't aniya, marami umanong "magnanakaw" sa mga nakaupo ngayon.
Kapag tumakbo at pinalad na manalo, mababawasan daw ng "magnanakaw" na senador at mapapalitan ng isang honest na senador.
Kung sakaling manalo, sinabi ni Anjo na balak niyang ibalik ang parusahang kamatayan subalit hindi sa mga kriminal kundi sa mga kurakot na opisyal ng pamahalaan.
Nilinaw ni Anjo na iyon ay "kuwentuhan" lamang dahil malayo pa ang eleksyon, pero kung tatanungin siya kung willing ba siya, sinabi niyang willing na willing daw siyang kumandidato.
Kung karanasan sa politika ang pag-uusapan, masasabing may alam na tungkol dito si Anjo matapos maging konsehal ng Parañaque City: isang 1998 hanggang 2004, dalawang termino. Pagkatapos ng pagiging konsehal, naging vice mayor siya noong 2004 sa parehong lungsod, pero hindi siya pinalad sa re-election noong 2007, gayundin noong 2010.
2013 hanggang 2019 ay naging konsehal naman siya sa Quezon City 5th district.
Nitong 2025, natalo si Anjo nang tumakbo siyang vice mayor ng Calamba, Laguna.