Nagbaba na ng “National State of Calamity” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa bansa matapos makapagtala ng malalaking bilang ng mga nasawi matapos ang pananalanta ng Bagyong “Tino.”
Sa panayam ni PBBM matapos ang kaniyang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, Nobyembre 6, ibinahagi niya na sa pagbababa ng national state of calamity, matutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng mas mabilis na access sa emergency funds at procurement process ng relief supplies.
“Mabigat talaga ang pagkatama sa Cebu, regions 6,7,8, MIMAROPA, umabot sa Negros Island region, so we are doing our usual relief and support activities para lahat ng mga na-displace, lahat ng biktima, ay matulungan ng pamahalaan,” saad ni PBBM.
Ibinahagi rin ng Pangulo na bukod sa Bagyong “Tino,” ang deklarasyon din ng national state of calamity ay bilang paghahanda rin sa susunod na bagyo.
“We are also doing everything we can para ma-anticipate at makapaghanda tayo nang mabuti dito naman sa parating na Typhoon ‘Uwan,’ because of the scope of the problem areas that has been hit by Typhoon ‘Tino’ and will be hit by ‘Uwan,’ there will almost be 10, 12 regions that will be affected,’ paliwanag ni PBBM.
“That gives us quicker access to some emergency funds, number one. Secondly, mapapabilis ang ating procurement so that we don’t have to go to the usual bureaucratic procedures and we can immediately provide assistance to the victims of all the storms,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, tiniyak ni PBBM na magpapatuloy ang relief operations sa mga probinsyang naapektuhan ng bagyong “Tino” habang pinaghahandaan ang pagdating ng bagyong “Uwan” na inaasahang mararamdama sa umaga ng Linggo, Nobyembre 9.
Sa kaugnay na ulat, umabot na sa mahigit-kumulang 114 na katao ang nasawi at 127 na nawawala sa rehiyon ng Visayas, ayon sa Office of Defense (OCD), nito ring Nobyembre 6.
Ang mga talang ito ay inaasahan pang tataas dahil sa patuloy na imbestigasyon at validation ng ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: Mga nasawi sa Bagyong ‘Tino,’ umakyat na sa 114; malaking bilang, galing sa Cebu!
Sean Antonio/BALITA