Naglabas ng pahayag ang Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Nobyembre 6, 2025 kaugnay ng insidente sa LRT-1 Baclaran Station kung saan ipinakita ni Acting Secretary Giovanni Lopez ang kaniyang pagkadismaya sa kalagayan ng istasyon.
Ayon sa DOTr, nagsagawa si Lopez ng routine inspection noong Nobyembre 4 at agad na tinawag ang pansin ng station manager matapos niyang mapansin ang hindi pa tapos na pagkukumpuni sa mga pasilyo, madulas na walkway, at kawalan ng tubig sa mga palikuran sa loob ng apat na taon, bukod sa iba pang problema sa pasilidad.
Nilinaw ng kagawaran na hindi sinigawan o pinagalitan ni Lopez ang station manager. Ayon sa pahayag, ang kaniyang mga komento ay bunsod ng pagkabahala at tapat na malasakit sa kalagayan ng mga komyuter at ng kanyang mataas na inaasahan na ang lahat ng pasilidad ay dapat tumugon sa pamantayang nararapat sa mga pasahero.
“Walang intensyong manghiya kaninuman,” ayon sa DOTr, sabay diin na ang layunin ni Lopez ay mapabuti ang serbisyo at kalagayan ng mga pasilidad ng pampublikong transportasyon.
Dagdag pa ng ahensya, ang responsibilidad ng station manager ay tiyaking maayos ang serbisyo at natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan at reklamo ng mga pasahero.
“Ang anumang pagkukulang ay dapat mapanagot, lalo na kung ito ay may kinalaman sa pampublikong transportasyon na araw-araw na dinarayo ng libu-libong pasahero. Ang ating mga komyuter ay nararapat lamang sa isang malinis, maayos, at disenteng transportasyon,” ayon sa DOTr.
Binigyang-diin din ng ahensya na ang pagpapaganda ng mga istasyon at pasilidad ay hindi lamang makikinabang ang mga pasahero, kundi pati na rin ang mga empleyado.
Sa huli, sinabi ng DOTr na inaasahan din ni Lopez ang pantay na pananagutan mula sa pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang pribadong operator ng LRT-1.
MAKI-BALITA: Grupo ng mga manggagawa, binengga si DOTr acting chief. Giovanni Lopez