December 13, 2025

Home BALITA National

Malacañang sa pagtaas ng hunger rate: 'Huwag nating kalimutan, sunod-sunod ang kalamidad!'

Malacañang sa pagtaas ng hunger rate: 'Huwag nating kalimutan, sunod-sunod ang kalamidad!'
Photo courtesy: RTVM/YT, via Balita


Dumepensa ang Palasyo hinggil sa inilabas na resulta ng isinagawang sarbey ng Social Weather Station (SWS) kamakailan, kung saan lumalabas na 22% ng mga Pinoy ay nakakaranas pa rin ng “involuntary hunger.”


KAUGNAY NA BALITA: 22% ng mga Pinoy, nakakaranas pa rin ng 'involuntary hunger’—SWS-Balita

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Nobyembre 6, binigyang-diin ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na sunod-sunod ang naranasang kalamidad ng mga Pinoy, at nilinaw na makatutulong naman daw ang mga ganitong pag-aaral.

“Huwag nating kalimutan na sunod-sunod ang kalamidad na naranasan ng mga kababayan po natin. Ito po ay nakaapekto sa patuloy po na pagtatrabaho ng ating pamahalaan, lalong-lalo na po ang DSWD para po maipababa ang hunger rate ng bansa,” ani Usec. Castro.

“But ito pong mga survey na ito ay makakatulong naman po, at ito naman po ay ikukumpara at ibabangga din po sa data na nakukuha mismo ng gobyerno,” saad pa niya.

Inilahad rin ng press officer na hindi naman umano tumitigil ang pamahalaan upang sugpuin ang naturang isyu.

“Tandaan po natin, hindi naman po tumitigil ang ating pamahalaan sa mga programa tulad ng mga Walang Gutom Program, Special Feeding Program, SIL, at 'yong binanggit po natin kahapon na tungkol sa mga kahirapan kaya po siguro naranasan natin 'to because of the calamities na sunod-sunod, hindi po isa e, sunod-sunod po 'yong nararanasan po natin,” anang press officer.

Kaugnay sa sunod-sunod na kalamidad na kinaharap ng bansa, kinumpirma ni Usec. Castro sa parehong press briefing na magbabahagi ng ₱760 milyong financial assistance ang Office of the President (OP), upang tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhang residente ng Bagyong Tino kamakailan.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Saan-saang mga lugar napunta ang ₱760M financial aid ng OP bunsod ni 'Tino?'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA