Mahigit 9,800 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipakakalat upang tiyakin ang seguridad sa tatlong-araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) para sa panawagan ng transparency at accountability sa pamahalaan, na gaganapin sa Rizal Park, Maynila.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuano, magtatalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 9,829 pulis na tututok sa crowd control, traffic management, at public safety sa protesta na nakatakdang isagawa mula Nobyembre 16 hanggang 18.
Magkakaroon ng perimeter security ang mga pulis sa paligid ng lugar, habang ang INC naman ang mamamahala sa seguridad sa loob ng venue, ani Tuano.
Idinagdag pa niya na ilalagay sa full alert status ang NCRPO sa buong tatlong araw ng aktibidad.
Target ng INC na makalikom ng hanggang 300,000 katao para sa naturang pagtitipon. Patuloy umanong bineberipika ng PNP kung ang bilang na ito ay para sa bawat araw ng rally o sa kabuuang tatlong araw.
Tiniyak ni Tuano na inaasahang magiging mapayapa ang pagtitipon, batay sa mga nakaraang rally ng INC, ngunit tiniyak din ng PNP na handa sila sa lahat ng posibleng sitwasyon.
Nilinaw ng PNP na relihiyosong pagtitipon ang naturang rally at hindi umano pampolitika.
Samantala, maglalagay ang Lungsod ng Maynila ng 14 na ambulansya sa paligid ng Rizal Park upang magbigay ng agarang medical assistance sa mga posibleng magkaroon ng problema sa kalusugan.
Wala pang impormasyon kung may ibang grupo na makikilahok sa aktibidad ng INC, na una sanang planong isagawa sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Dahil sa inaasahang matinding trapiko sa EDSA, napagdesisyunan ng INC na ilipat ang venue sa Maynila, ayon kay Tuano.