Umalis na si “Pambansang Kamao” Manny Pacquiao sa kompetisyon ng “Physical: Asia” na ipinalalabas sa streaming platform na Netflix.
Sa Episode 5 ng programa, humingi ng paumanhin ang Pambansang Kamao matapos niyang ipahayag na kailangan niyang magpaalam nang mas maaga kahit kasalukuyang kalahok pa ang Team Philippines.
“I wanted to take a moment and apologize to everyone,” ani Pacman sa harap ng camera.
“I have to leave the competition and return to the Philippines because of another obligation in my home country,” saad pa niya.
Bunsod nito, pinalitan siya ni Justin Hernandez bilang team captain. Si Hernandez ang kauna-unahan at tanging Filipino male athlete na nakasali sa CrossFit Games.
Bago ito, ipinakita sa programa ang reaksiyon ng iba pang mga manlalaro mula sa iba’t ibang bansa na labis na natuwa at namangha nang malaman nilang kabilang sa Team Philippines si Pacquiao.
Pagsapit ng Episode 6, bubuuin na ang Team Philippines nina Justin Hernandez, Fil-Am sambo athlete Mark “Mugen” Striegl, strongman Ray Jefferson Querubin, national rugby player Justin Coveney, national hurdler Robyn Lauren Brown, at CrossFit athlete Lara Liwanag.
Ang “Physical: Asia” ay pinakabagong season ng Physical: 100 franchise, isang team competition na tampok ang mga nangungunang atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.