December 17, 2025

Home BALITA

'Hindi pipigilan ng Pangulo 'yan!' Palasyo, dumipensa sa panawagang ilabas ang SALN ni PBBM

'Hindi pipigilan ng Pangulo 'yan!' Palasyo, dumipensa sa panawagang ilabas ang SALN ni PBBM

Tiniyak ng Malacañang nitong Huwebes, Nobyembre 6, na hindi hahadlangan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglalabas ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), matapos itong hilingin ng ilang grupo sa Office of the Ombudsman.

“Sa Ombudsman? Hintayin na lamang po nila, hindi naman po pipigilan ng Pangulo 'yan. Hintayin po nila ang magiging tugon ng Ombudsman,” ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press OfficerClaire Castro sa kaniyang press briefing nito ring Huwebes.

Ito ay kasunod ng kahilingan ng Akbayan Party-list at iba pang organisasyon na ilabas ang SALN ni Marcos, gayundin ng Pangalawang Pangulong Sara Duterte, dating Ombudsman Samuel Martires, at iba pang mga opisyal ng mga constitutional commission.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Dexter Paul Castro, handa si PBBM na isumite ang kaniyang SALN sa “mga karampatang awtoridad” basta’t masusunod ang tamang proseso.

Internasyonal

Babae, nagpakasal sa isang AI persona!

Nauna nang sinabi ng Pangulo na bukas siyang ipasapubliko ang kaniyang SALN at hihikayatin din niya ang kaniyang mga miyembro ng Gabinete na gawin ang kapareho.

Kamakailan, naglabas ng memorandum si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nag-aalis ng dating limitasyon sa pag-access ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, sa ngalan ng transparency. Sa bagong patakaran, hindi na kinakailangan ang pahintulot ng opisyal na may-ari ng SALN upang ito ay makuha.

Saklaw ng memorandum ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga pinuno ng mga Constitutional Offices, at mga lokal na opisyal ng pamahalaan, dahil ang Office of the Ombudsman ang itinalagang opisyal na repositoryo ng mga SALN ng mga naturang opisyal.

Batay sa naturang memo, maaaring magsumite ng request para sa kopya ng SALN sa Public Assistance and Corruption Prevention Office ng Ombudsman sa Central Office, o sa alinmang regional o sectoral office nito sa bansa.