Nalunod ang isang grade 1 pupil sa isang resort sa Antipolo City, Miyerkules, Nobyembre 5.
Kinilala ang biktima sa alyas na Zian, 8, Grade 1 student at residente ng Brgy. Inarawan, Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-2:05 ng hapon nang maganap ang insidente sa isang resort sa Brgy. San Jose.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na sumama ang biktima sa kaniyang kapwa vendor, na si Kim, 22, upang maligo sa naturang resort.
Nang ginawin umano si Kim ay nagpasya na itong magtungo sa shower room upang magbihis at umuwi na.
Inakala umano ni Kim na sumunod na rin ang biktima sa kaniya ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay bumalik pala ang biktima sa swimming pool at naligong muli.
Sa kuha ng CCTV, makikitang tumalon umano ang biktima sa malalim na bahagi ng pool ngunit hindi na muling lumutang pa at minalas na malunod.
Nang masagip ang biktima ay kaagad itong isinugod sa pagamutan ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.