December 22, 2025

Home BALITA National

Bilang ng mga walang trabaho sa bansa, bumaba noong Setyembre—PSA

Bilang ng mga walang trabaho sa bansa, bumaba noong Setyembre—PSA

Bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa 1.96 milyon noong Setyembre 2025, kumpara sa 2.03 milyon noong Agosto 2025, batay sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 6, 2025.

Gayunman, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na bahagyang mas mataas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho kumpara sa 1.89 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong 2024.

“Ang unemployed persons o bilang ng nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Setyembre ay nasa 1.96 million,” ani Mapa sa press conference.

Saad pa niya, “Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang bilang ng unemployed persons noong Setyembre 2024 na nasa 1.89 milyon, ngunit mas mababa naman kumpara noong Agosto 2025 na nasa 2.03 milyon.”

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

Naitala ang unemployment rate sa 3.8% noong Setyembre 2025, katumbas ng 38 sa bawat 1,000 manggagawa na walang trabaho o negosyo. Mas mababa ito kumpara sa 3.9% noong Agosto 2025, ngunit bahagyang mas mataas kaysa sa 3.7% noong Setyembre 2024.

Samantala, bumaba naman ang labor force participation rate sa 64.5% mula sa 65.1% noong Agosto, at mas mababa rin kumpara sa 65.7% noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Mapa, umabot sa 49.60 milyon ang bilang ng mga may trabaho noong Setyembre 2025 — mas mababa ng 494,000 kumpara sa Agosto, at 270,000 na mas mababa kumpara sa datos noong 2024.

Pinakamalaking pagtaas ng bilang ng empleyado ay naitala sa construction sector na may 507,000 dagdag na manggagawa.

Kabilang sa limang pangunahing sektor na nakapagtala ng pinakamataas na pagtaas ng bilang ng empleyado ay ang mga sumusunod:

Construction – 514,000 dagdag na manggagawa

Pangingisda at aquaculture – 313,000

Accommodation at food service – 307,000

Human health at social work – 183,000

Agriculture at forestry – 126,000

Sa kabuuan, 61.3% ng mga empleyado ay mula sa services sector, sinundan ng agricultural sector na may 20.9%, at industry sector na may 17.8%.

Samantala, umabot sa 5.52 milyon ang bilang ng mga underemployed o yaong mga may trabaho ngunit naghahanap pa ng karagdagang kita, mas mataas ng 142,000 kumpara noong Agosto 2025, ngunit mas mababa ng 421,000 kumpara sa Setyembre 2024.

Naitala ang underemployment rate sa 11.1%, bahagyang mas mataas sa 10.7% noong Agosto, ngunit mas mababa sa 11.9% noong nakaraang taon.