December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Banat ni Vice Ganda: 'Rally-rally pa kayo... malalaking nakawan, walang kulong 'yan!'

Banat ni Vice Ganda: 'Rally-rally pa kayo... malalaking nakawan, walang kulong 'yan!'
Photo courtesy: Screenshot from Kapamilya Online Live (YT)

Humirit na naman si Unkabogable Star Vice Ganda hinggil sa isyu ng mga kurakot sa bansa, na aniya, ay "walang makukulong."

Sa "Laro Laro Pick" segment ng noontime show na It's Showtime, tinanong ni Vice Ganda ang isang contestant kung ano ang biggest dream niya matapos maka-graduate bilang magna cum laude ng Bachelor of Science in Office Administration.

Nang sabihin ng contestant na bet niyang maging manager sa isang government office, dito na humirit ang komedyante-TV host.

"Ay malaking kita!" aniya.

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

"Ang pinupuntirya government office... ang husay! Nanonood ng balita, gustong magkaroon ng mga ari-arian sa ibang bansa!"

Nang tanungin kung saang departamento, "Sa loan remediation po."

"Pautangan! Mahusay 'to. Gustong yumaman agad. Tapos kapag nabuking, magkakasakit, papa-check-up sa malayo, at hindi na muling babalik!" hirit pa ni Vice.

Nang ipatanong naman ni Vhong Navarro kung bakit iyon ang napili niya, sundot naman ni Vice, "At bakit naman hindi? Ang dami nating kilala, walang kulong 'yan! Ang mga may kulong ngayon 'yong mga nagko-costume ng pulis, mga ganiyan, pero 'yong mga malalaking nakawan, walang kulong 'yan! Oh 'di ba... walang kulong 'yan! Rally-rally pa kayo, walang kulong 'yan! Mamamatay rin 'yang isyung 'yan!"

Bagama't walang binabanggit, naniniwala ang mga netizen na ang pinapatungkulan ni Vice Ganda ay big time politicians at contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Isa nga sa mga hindi pa nakakausap o humaharap sa alinmang pagdinig ay ang dating Ako Bicol party-list representative na si Zaldy Co, na ayon sa kaniyang legal counsel, ay nasa ibang bansa para magpagamot, at nakatatanggap na rin ng banta sa buhay dahil sa pagkakabanggit sa mga kickback at komisyon kaugnay sa mga proyekto ng pamahalaan.

Kilala si Vice Ganda sa pagbibigay ng hirit at diretsahang paglalabas ng kaniyang reaksiyon at saloobin patungkol sa mahahalagang isyung panlipunan.

Lagpas 100 araw na simula nang sabihin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na kailangang may managot at makulong na sangkot dito, subalit hanggang ngayon, wala pa ring napababalitang nananagot at nakukulong. 

Inirerekomendang balita