December 13, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Saan-saang mga lugar napunta ang ₱760M financial aid ng OP bunsod ni 'Tino?'

ALAMIN: Saan-saang mga lugar napunta ang ₱760M financial aid ng OP bunsod ni 'Tino?'
Photo courtesy: RTVM/YT


Matapos ang paghagupit ng Bagyong Tino sa ilang probinsya sa Visayas at Mindanao, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagdedeklara ng National State of Calamity sa buong Pilipinas.

Layon nitong masiguro ang mabilis na aksyon ng pamahalaan, at agarang maipamahagi ang tulong sa taumbayan, kabilang na ang financial assistance para sa mga apektadong lugar ng naturang bagyo.

Sa press briefing na isinagawa ng Presidential Communications Office nitong Huwebes, Nobyembre 6, isa-isang binanggit ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro ang mga lalawigang mababahagian ng financial aid na aabot sa ₱760 milyon ang kabuuan.

“Nagpapatuloy ang pagpapaabot ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo, kabilang na dito ang ₱760 milyong financial assistance mula sa Tanggapan ng Pangulo. Sa nasabing halaga, tatanggap ng tig-₱50 milyon ang mga lokal na pamahalaan ng Cebu, Capiz, Surigao del Norte, Iloilo, Bohol, at Negros Occidental. Tatanggap naman ng tig-₱40 milyon ang Eastern Samar, Surigao del Sur, Southern Leyte, Antique, at Aklan,” ani Usec. Castro.

“Samantalang tig-₱30 milyon naman ang Leyte at Masbate. Tig-₱20 milyon ang Guimaras, Agusan del Norte, at Dinagat Islands. Tatanggap din ng ₱10 milyon ang Biliran, Camarines Sur, Sorsogon, Misamis Oriental, Negros Oriental, at Palawan,” pagpapatuloy pa niya.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens



“Nagpaabot din si Pangulong Marcos Jr. ng financial assistance na tig-₱5 milyon sa Albay, Romblon, Batangas, Nortern Samar, Siquijor, Quezon Province, Samar, Agusan del Sur, Laguna, Zamboanga City, Manila City, Camiguin, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Zamboanga del Norte, at Iligan City,” saad pa niya.

Nilinaw din ng Palasyo na makakatanggap ang Manila City ng ₱5 milyong financial aid upang matulungan ang mga indibidwal na stranded sa pantalan at paliparan dulot ng bagyo.

Vincent Gutierrez/BALITA