Arestado ang dalawang newly-identified high-value individuals (HVIs) sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Team (SDEU) ng San Mateo Municipal Police Station (MPS) kamakailan, matapos makumpiskahan ng ilegal na droga at baril.
Sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (PPO), natunton ang dalawang suspek sa tahanan ng isa sa mga nasakoteng HVIs.
Katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakumpiska sa mga suspek ang 13 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets, na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Sa taya ng awtoridad, aabot ang timbang nito sa halos 50.3 gramo, na may standard drug price na ₱342,040.00.
Narekober din sa kanila ang isang revolver pistol, 5 bala ng baril, ₱500-bill na nagsilbing buy-bust money, at isang pouch na kulay itim.
Pansamantalang nakapiit sa San Mateo MPS Custodial Facility ang mga naarestong indibidwal, at posibleng sampahan ng kaso matapos labagin ang Seksyon 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin ang RA 10591 o Illegal Possession of Firearm and Ammunitions.
Vincent Gutierrez/BALITA