December 12, 2025

Home BALITA National

PH Defense, kailangang tumagal sa 30 araw na giyera bago dumating kakampi—Gen. Brawner

PH Defense, kailangang tumagal sa 30 araw na giyera bago dumating kakampi—Gen. Brawner
Photo courtesy: Armed Forces of the Philippines (FB)

Kailangan umanong makayanang makatagal ng depensa ng Pilipinas sa loob ng 20 hanggang 30 araw, kung sakaling magkakagiyera, bago ito mabigyan ng tulong ng kaalyadong bansa. 

Ayon ito sa naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa isinagawa nilang 9th Armed Forces Joint Exercise Dagat, Langit at Lupa (AJEX Dagit-PA 09-2025) noong Martes, Nobyembre 4, 2025. 

Ani Brawner, mahalaga raw talagang makayanan ng Pilipinas na dumipensa at hindi umaasa agad sa mga kakamping bansa partikular sa United States of America (USA). 

“Talagang kailangan nating depensahan ‘yong ating bansa na tayo muna. We have to rely on ourselves first kaya talagang tuloy-tuloy ‘yong ating mga exercises[...]” pagsisimula ni Brawner. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Katulad nga nitong exercise na ito[...] tayo lang ito. It’s only the Armed Forces of the Philippines together with the [Philippines] Coast Guards, together with the Philippine National Police, so that makita natin kung hanggang saan ‘yong hangganan ng ating depensa,” paglilinaw pa niya. 

Giit naman ni Brawner, makakaasa raw ang bansa na tutulungan ito ng kaalyadong USA dahil sa Mutual Defense Treaty na mayroon sila. 

“Definitely, dahil nga mayroon tayong Mutual Defense Treaty with our only Treaty Ally United States, we are expecting na kapag nagkagulo, syempre tayo muna[...]” pagbabahagi niya. 

“But we are [also expecting] reinforcement or help from our ally and this is under the Mutual Defense Treaty,” ayon pa kay Brawner. 

Sa pagpapatuloy niya, sinabi niyang hindi raw nila matitiyak ngayon kung gaano katagal ang ititibay ng bansa kung sakaling magkagiyera. 

Ngunit ayon na rin daw sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kailangang tumagal o makayanan nilang ipaglaban ang bansa sa 20 hanggang 30 bilang ng mga araw. 

“It [also depends] on the threats that we will be facing. So hindi namin talaga ma-predict. But of course, ang utos ng ating Pangulo, si President Ferdinand Marcos, Jr., is that we should be able to fight and preserve our forces for at least 20 days hanggang 30 days,” ‘ika ni Brawner.  

“So ‘yon ‘yong pinaghahandaan natin. Kailangang kayang kaya nating lumaban na tayo lang,” pagtatapos pa niya. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita