December 16, 2025

Home BALITA

Palasyo kay Baricuatro: 'Kung galit siya, gano'n din si PBBM!'

Palasyo kay Baricuatro: 'Kung galit siya, gano'n din si PBBM!'
Photo courtesy: RTVM/YT, Cebu Province/FB


Sinagot ng Malacañang ang pinakawalang Facebook post ni Cebu Governor Pam Baricuatro noong Martes, Nobyembre 4, hinggil sa umano’y ₱26 bilyong pondo ng Cebu para sa flood control projects, ngunit sila ay nakaranas pa rin ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Tino.

"26 billion of flood control funds for Cebu yet we are flooded to the max," ani Gov. Baricuatro.

KAUGNAY NA BALITA: '₱26B of flood control funds for Cebu, yet flooded to the max!'—Baricuatro-Balita

Ayon sa Palasyo, ito rin naman daw ang dahilan kung bakit patuloy ang imbestigasyon patungkol sa naturang anomalya sa flood control projects.

“‘Yon din naman po, ‘yan po ang dahilan kung bakit po nagpapa-imbestiga ang Pangulong Marcos Jr. dahil nakita niya po ‘yong epekto; may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana. Kaya mas maganda po na kung siya man po ay nagagalit, ‘yan din po ang nararamdaman ng Pangulong Marcos Jr,” panimula ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Nobyembre 5.

“Kung mayroon po siya pang mga alam, may mga facts, may mga data rin po si Governor [Pam Baricuatro] para dito na makakatulong sa ating gobyerno, para mapanagot ang dapat mapanagot, ‘yan po ay welcome,” pagpapatuloy pa niya.

Tahasan ding isiniwalat ni Usec. Castro na may 343 flood control projects sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, kung kaya’t hindi lamang mga proyekto umano sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ang dapat na malaman.

“Hindi lamang po sa panahon ni Pangulong Marcos Jr. na mga flood control projects ang dapat malaman, dahil lumalabas po kanina ‘yong initial data natin ay 343 flood control projects ang nagawa since 2016 to 2022 sa Cebu—mula sa 1st district, 2nd district, 3rd, 4th, 5th, 6th, 7th hanggang sa city. So, dapat din po itong makita dahil kung mayroon pong 343 flood control projects noon pa man, dapat po sana ay gumagana ito,” saad ni Usec. Castro.

“Pagtulung-tulungan po natin mahanap ang dapat na mapanagot sa mga maanomalyang flood control projects,” aniya pa.

Matatandaang nanindigan ang Palasyo na hindi pamumulitika ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga proyekto ng nagdaang administrasyon.

“Hindi naman po ibig sabihin na kapag ka po iniimbestigahan ang mga proyekto ng nakaraang administrasyon, ito’y pamumulitika lamang. Ibig po bang sabihin kapag ka pinaiimbestigahan ang nakaraang proyekto na naganap o nagawa ng nakaraang administrasyon, dapat hindi na ito paimbestigahan dahil otherwise, it will be considered as politicizing? Parang hindi naman po yata tama ‘yon,” ani Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Parang hindi naman po yata tama ‘yon!’ Malacañang, nanindigang hindi pamumulitika imbestigasyon ng mga proyekto ng nagdaang admin-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA