Nanindigan ang Palasyo na handang tumulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahit na kanino, kahit pa hindi nito kaalyado.
Kaugnay ito sa isang tanong hinggil sa relasyong pampolitikal ni PBBM at Cebu Governor Pam Baricuatro, lalo pa’t magiging mas madalas umano ang pagbisita ng Pangulo sa lalawigan, dulot ng sunod-sunod na kalamidad na naranasan nito.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Nobyembre 5, tahasang ipinahayag ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na kahit ano man ang kulay, tutulong si PBBM.
“Kahit naman po hindi kaalyado ng Pangulo, kahit anong kulay po niyan, ang Pangulo po ay handang tumulong kahit po kanino. Basta po kinakailangan ng tulong ng gobyerno, kahit ano po ang kanilang [kulay, kahit] saan sila kaalyado, tutulong ang Pangulo,” ani Usec. Castro.
Inilahad niya rin kung paano umano sinalubong ng Cebu Governor ang Pangulo, matapos nitong personal na bumisita sa lalawigan, para ipaabot ang tulong ng pamahalaan.
“Noong nakaraan lamang po, napabalita rin po na pumunta ang Pangulo sa Cebu, at ‘yan naman po, siya po ay sinalubong ni Governor [Pam Baricuatro] at nagpasalamat pa po si Governor ng Cebu dahil sa [agarang] tulong na ibinigay ng Pangulo sa nasabing siyudad o lungsod,” aniya pa.
Matatandaang sa parehong press briefing, inihayag din ng press officer na kung galit ang naturang gobernador sa idinulot na baha ng Bagyong Tino sa Cebu, ay ganoon din umano ang nararamdaman ni PBBM.
“‘Yon din naman po, ‘yan po ang dahilan kung bakit po nagpapa-imbestiga ang Pangulong Marcos Jr. dahil nakita niya po ‘yong epekto, may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana. Kaya mas maganda po na kung siya man po ay nagagalit, ‘yan din po ang nararamdaman ng Pangulong Marcos Jr,” anang press officer.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo kay Baricuatro: 'Kung galit siya, gano'n din si PBBM!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA