December 13, 2025

Home BALITA

Grupo ng mga manggagawa, binengga si DOTr acting chief. Giovanni Lopez

Grupo ng mga manggagawa, binengga si DOTr acting chief. Giovanni Lopez
Photo courtesy: screengran DOTr

Kinondena ng National Federation of Labor (NFL) Chapter 001 – Light Rail Manila Corporation Supervisory Union at Chapter 003 – Light Rail Manila Corporation Rank and File Union ang umano’y “pamamahiyâ at hindi propesyonal na asal” ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez laban sa isang manggagawa ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa isinagawang inspeksiyon sa Baclaran Station ng LRT-1 noong Nobyembre 4. 2025.

Ayon sa opisyal na pahayag ng mga unyon, “Mariing kinokondena ng National Federation of Labor... ang ginawang pamamahiya at hindi propesyonal na asal ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez laban sa isa naming kasapi.”

Ipinahayag ni Lopez ang pagkainis sa kondisyon ng istasyon, kabilang ang mga hindi pa tapos na walkway at mga palikurang apat na taon nang walang tubig. Gayunman, giit ng unyon, hindi dapat ibunton sa karaniwang manggagawa ang sisi sa mga problemang lampas na sa sakop ng kanilang trabaho.

“Hindi kailanman makatarungan na ang isang ordinaryong empleyado ang sisihin sa mga problemang malinaw na lampas sa kaniya niyang kontrol,” ayon sa pahayag ng grupo. 

National

‘Be sensitive!’ DOH, nagpaalala na isaalang-alang damdamin ng iba ngayong holiday season

Saad pa ng grupo, “Kung may pagkukulang sa pasilidad, ito ay sistemikong isyung kailangang pag-usapan ng pamunuan at ng pamahalaan.”

Dagdag pa ng unyon, walang sinumang opisyal ng pamahalaan ang may karapatang mamahiya o mang-insulto sa isang manggagawa sa harap ng publiko. “Wala ni isang opisyal ng pamahalaan ang may karapatang mamahiya, mang-insulto o sigawan ang isang manggagawa sa publiko,” saad ng pahayag. 

“Ang ganitong uri ng public reprimand ay hindi lamang nakababawas sa moral ng mga manggagawa kundi nagpapakita rin ng pagmamalaki at kawalan ng tamang proseso.”

Nanawagan ang NFL sa DOTr na imbestigahan ang insidente at alamin ang tunay na ugat ng problema sa halip na isisi ito sa mga empleyado. 

Hiniling din ng grupo ang isang pampublikong paghingi ng paumanhin mula kay Lopez, at iginiit na ang tamang paraan ay “ang pamamagitan ng imbestigasyon, koordinasyon, at pakikipagdayalogo sa mga unyon at sa pamunuan, hindi sa pamamahiyâ sa harap ng publiko.”