Isiniwalat ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Rhoel Aguda na may dalawang hakbang ang pamahalaan upang paghandaan ang banta ng “hackers” sa nababalitang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa Nobyembre 30.
Kaugnay ito sa mga government websites na na-deface umano matapos isagawa ang malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon noong Setyembre 21.
“Una, ‘yong mga government agencies, panay na ang cyberdrill nila ngayon, drill sila nang drill. They’ve started plugging all the cybersecurity halls that they have. Kung may ipa-patch, nagpa-patch na sila. Kung may equipment sila na kailangan, dine-deploy na nila,” ani Sec. Aguda sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Nobyembre 5.
“‘Yong second part, ‘yong community kasi, regularly ako nakikipag-usap na sa kanila, and sila nangako sa akin. So, pumirma nga sila doon sa commitment wall, if you backtrack a month ago, mayroon doong commitment wall disavowing violence, and second, they will help the country in fending off cyberattacks,” pagpapatuloy pa niya.
Inilahad din ng kalihim ang dalawang anggulo na dapat tingnan patungkol sa sinasabing cyberattacks.
“Ang cyberattacks kasi, nanggagaling sa dalawang anggulo ‘yan. Local, ako medyo confident na ako doon sa local, okay na tayo, and ‘yon nga, mga kababayan din naman natin ‘yan. ‘Yong sa external, ‘yon, doon sila magfo-focus makipagtulungan sila sa atin na walang external na makapasok din. So, so far, it’s working,” anang DICT secretary.
Matatandaang patuloy na naghahanda ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa nasabing kilos-protesta sa Nobyembre 30.
“Kami ay nakahanda na at patuloy na naghahanda para sa November 30 na Trillion Peso March. Ngayon, mas pinaigting natin ‘yong monitoring lalo ‘yong pagbabantay sa social media dahil doon natin nakita na nahihikayat yung kabataan,” ani Police Major Hazel Asilo, hepe ng NCRPO- Public Information Office (PIO), sa panayam ng DZBB kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: NCRPO, kasado na sa malawakang rally sa Nov. 30-Balita
Giit naman ng ilang grupo ng mga kabataan, hindi na nila umano hihintayin pa ang Nobyembre 30 upang magkasa ng malawakang kilos-protesta.
KAUGNAY NA BALITA: Mga grupo ng kabataan, hindi hihintayin Nov. 30 para magsagawa muli ng kilos-protesta-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA