Sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, Nobyembre 5, 2025 na mahigit 20,000 paaralan sa 10 rehiyon ang naapektuhan ng suspensyon ng klase bunsod ng pinagsamang epekto ng Bagyong Tino at ng shearline.
Batay sa pinakahuling situation report ng DepEd, umabot sa 20,681 paaralan ang nagsuspinde ng klase sa kasagsagan ng masamang panahon.
Samantala, 522 paaralan ang pansamantalang ginamit bilang evacuation centers para sa mga pamilyang lumikas mula sa mga apektadong lalawigan. Kabuuang 2,507 silid-aralan ang kasalukuyang ginagamit bilang pansamantalang tirahan.
Samantala, sa inisyal na ulat naman ng mga regional office, 76 paaralan ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa estruktura. Sa bilang na ito, 64 silid-aralan ang tuluyang nasira, 91 ang nagtamo ng malubhang pinsala, at 237 naman ang may bahagyang pinsala.
Tinukoy din ng DepEd na tinatayang ₱2.11 milyon ang kinakailangan para sa paglilinis at clearing operations sa 76 naapektuhang paaralan, habang ₱11.6 milyon naman ang kakailanganin para sa mga minor repair o katumbas ng humigit-kumulang ₱49,000 kada paaralang may bahagyang pinsala.
Dagdag pa ng kagawaran, nakikipag-ugnayan na ang mga regional at division office sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa klase kapag bumuti na ang panahon at natapos na ang mga pagsusuri.
Ayon sa DepEd, pinakamaraming suspensyon ng klase at pinsala ang naitala sa mga rehiyong labis na tinamaan ng bagyo, partikular sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas, kung saan nagdulot ng malakas na ulan, pagbaha, at matitinding hangin na nakaapekto sa pagsasagawa ng pag-aaral.