Nagbigay ng pahayag si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio kaugnay sa mga red flags umano ng mga flood control contracts sa siyudad ng Davao.
Ayon sa isinagawang pahayag ni Tinio sa media nitong Miyerkules, Nobyembre 5, sinabi niyang aabot sa 121 ang kabuuang bilang ng mga flood-control projects mayroon sa Davao City.
“Sa 121 flood control projects sa Davao City mula 2019 hanggang 2022,” pagsisimula niya, “ang findings natin sa 121 na ito, mayroong 80 contracts na may red flag na nagkakahalagang 4.35 billion pesos in total.”
Ani pa ni Tinio, red flag o kuwestyonable ang nagsapawang at dinayang mga flood-control project sa nasabing lugar.
“Red flag, kuwestiyonable. Mayroong mga proyektong nagsapawan, mayroong proyektong double ang funding, mayroong nasa ibang lugar at mas maiksi kesa doon sa nakatakda sa General Appropriations Act (GAA) at ang pinakamarami ay walang mga specific details pero inaward sa mga contractors,” ‘ika niya.
“Ang mga red flags na ito ay posibleng indicator ng gross over pricing, posible rin na may [ghost projects, at iba pa na mga anomalya,” dagdag pa ni Tinio.
Pagpapatuloy niya, kinakailangan daw ng masusing imbestigasyon sa nasabing mga proyekto sa Davao.
“Kaya nangangailangan po ng mas masusing imbestigasyon sa mga proyektong ito,” saad ni Tinio.
Paliwanag pa niya, “magfi-file po tayo ng resolution para imbestigahan ito ng [House of Representative] at nananawagan din tayo sa COA, sa Ombudsman, maging sa ICI na seryosong imbestigahan ang mga flood control projects sa Davao.”
“Lalo na nitong nakaraang administrasyon hanggang sa kasulukuyan,” dagdag pa ni Tinio.
MAKI-BALITA: 'May nanagot ba sa panahon ng amo mong bangag?' Pulong Duterte, pinalagan si Rep. Antonio Tinio
Mc Vincent Mirabuna/Balita