December 13, 2025

Home BALITA

'Sincere 'yong effort to locate him!’—Lacson sa 'di pa nagpapakitang si Guteza

'Sincere 'yong effort to locate him!’—Lacson sa 'di pa nagpapakitang si Guteza
Photo courtesy: Ping Lacson (FB), MB FILE PHOTO

Tila nag-aalala umano si Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson sa kalagayan ngayon ni retired Master Sergeant Orly Regala Guteza at ang hindi pa matukoy na kinaroroonan nito. 

Ayon sa isinagawang press conference ni Lacson nitong Martes, Nobyembre 4, sinabi niyang “sincere” umano ang paghahanap nila kung nasaan ngayon si Guteza. 

“Sincere ‘yong effort to locate him,” pagsisimula niya, “kung mayroon siyang idaragdag, idagdag niya.”

Ani Lacson, mahalaga umano ang pagpapakita ni Guteza lalo na kung mayroon pa siyang nais idagdag sa kaniyang mga nauna nang pahayag. 

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

“Importante ‘yong kaniyang presence kung mayroon pa siyang maidaragdag pa sa kaniyang nauna nang naipahayag,” saad pa ni Lacson. 

Pagpapatuloy pa niya, inaalala umano rin niya ang kung nasaan ba talaga si Guteza gayong itinanggi ng Philippine Marine na wala raw sa kustodiya nila ang nasabing witness. 

“At saka concern din kasi hindi na natin alam kung ano ang nangyari sa kaniya. May mga claim na nasa Marine compound, hindi naman pala,” ‘ika ni Lacson. 

Bukod pa dito, gusto rin daw malaman ni Lacson ang katotohanan kung sino ang gumawa ng binasa niyang affidavit sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon. 

“Gusto ko ring malaman sa kaniya, sino ba talaga ‘yong naggawa ng affidavit mo? Kasi nakita ko ‘yong dating interview ni Congressman Mike Defensor, katulong sila, e. Sinasabi niya na they helped Guteza draft his affidavit. So, kailangang ma-clarify din ‘yon,” ani Lacson. 

“Hindi ba sarili gawa ni Guteza ‘yong affidavit? Kung hindi niya sarili, sino ‘yong mga tumulong sa kaniya na maggawa ng affidavit,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang isiniwalat ni Guteza sa pagdinig ng nasabing Komite ang sistema ng pagde-deliver daw nila ng mga male-maletang “basura” sa bahay nina dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co. 

MAKI-BALITA: 'Basura scheme?' Pagdeliver ng mga pera sa bahay nina Romualdez, Co, ikinanta ng dating sundalo

“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming mga naka-detailed na close in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” pagsisiwalat ni Guteza noong Setyembre 25, 2025. 

MAKI-BALITA: PH Navy, itinangging nasa ilalim ng kanilang proteksyon si Guteza

MAKI-BALITA: 'How much more fakery can we take?' Sen. Ping, umalma sa ‘fake news’ tungkol kay Guteza

Mc Vincent Mirabuna/Balita