Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na matagal nang ipinapatupad ng kanilang ahensya ang walang-tigil na “cybersecurity measures” bago pa man mag-abiso ang Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) sa Miyerkules, Nobyembre 5.
Matatandaang tiniyak ng DICT sa publiko na ito ay hindi data breach, at walang personal na mga impormasyon ang mananakaw matapos nito.
“Dahil dito, pwedeng bumagal o hindi agad mag-load ang ilang websites o apps. Pero kalma lang dahil hindi ito data breach. Walang mananakaw na personal accounts, data or pera,” anang DICT.
KAUGNAY NA BALITA: DICT, nagbabala: Cyber attack, puwedeng maranasan sa Nov. 5?-Balita
Sa ulat na ibinahagi ng PNP, ang inisyatibong ito ay isang katiyakan umano upang pagtibayin ang seguridad ng mga datos at serbisyo ng kanilang ahensya.
“May abiso man o wala, matagal nang pinatitibay ng PNP ang ating mga system—dahil hawak natin ang mga kritikal na datos na hindi dapat mapasakamay ng masasamang loob,” ani Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“May mga insidente na noon na nagkaroon ng pagkompromiso ng ilang database natin, at hindi na natin hahayaang maulit iyon,” pagtitiyak pa niya.
Ayon naman sa pahayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, ang hakbang na ito raw ay naglalayon ding tulungan ang ibang ahensya ng pamahalaan, maging ang publiko, sa posibleng paglala ng nasabing cyberattack.
“Karapatan ng publiko ang tuloy-tuloy na access sa digital services, lalo na ngayong e-governance na ang takbo ng pamahalaan,” aniya.
“Patuloy na paiigtingin ng PNP ang cybersecurity defense, at hinihikayat namin ang bawat Pilipino na maging responsable sa paggamit ng digital platforms—gumamit ng secured passwords, i-verify ang sources, at agad mag-report ng kahina-hinalang online activity,” karagdagan pa niya.
Nagbigay-diin din ang kapulisan sa pagpapaigting ng multi-layered security protocols, kasama na ang pagpapatibay ng firewall, system hardening, at iba pa.
Katuwang ang DICT, Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunications Commission (NTC), kasama na ang iba pang law enforcement partners, tiniyak ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na alerto sila upang tulungan ang pamahalaan sa banta ng cyberattacks, partikular na sa online services nito.
Vincent Gutierrez/BALITA