Ibinahagi ni Kapuso singer-actress Rita Daniela ang kasalukuyang niyang kalagayan matapos siyang gawan ng kalaswaan ng aktor na si Archie Alemania.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Lunes, Nobyembre 3, sinabi ni Rita na hindi raw madali ang malagay sa kasalukuyan niyang posisyon.
Ayon kay Rita, “I’m doing so much better, and it’s not easy to be in this position now. As much as I want to give time for myself na ‘wag sanang magmadali, but I have to kasi I have Uno, e.
“Hindi naman pwedeng gano’n na lang ako forever,” pagpapatuloy niya, “Pinilit kong maging okay. I’ve had therapies. I went back to therapy, actually.”
Dagdag pa ng aktres, “Hindi siya basta kumausap lang ako ng kaibigan o kasama ko lang ang pamilya ko. Kailangan kong pagdaanan ‘yon para malampasan ko at makapunta ako kung nasaan ako ngayon.”
Gayunman, tiniyak pa rin ni Rita na siya ay nasa mabuti nang kalagayan sa kabila ng nangyari.
Matatandaang ipinagdiwang niya kamakailan ang nakamit na hustisya matapos mahatulang guilty sa kasong Acts of Lasciviousness si Archie.
Inialay ito ni Rita sa lahat ng lalaki at babaeng nakaranas din ng pang-aabuso tulad niya.
Maki-Balita: ‘This is for all men and women who were abused!’ Rita Daniela, ipinagdiwang nakamit na hustisya
Isinampa ni Rita ang nasabing kaso noong Oktubre 2024 matapos hawakan at haplusin ni Archie ang kaniyang leeg at balikat nang walang pahintulot.
Nangyari ang naturang insidente nang ihatid siya ni Archie matapos nilang dumalo sa ginanap na thanksgiving party ng “Widow’s War” co-star nilang si Bea Alonzo.
Maki-Balita: Rita Daniela, sinampahan ng kasong ‘acts of lasciviousness’ si Archie Alemania