Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, Nobyembre 4, ang pagkawala ng bust ni Dr. Jose Rizal na naka-display sa Paris, France.
"The Department of Foreign Affairs, through the Philippine Embassy in Paris, regrets the disappearance of Dr. Jose Rizal’s bust, a significant monument for the Filipino community in France, located at Place Jose Rizal in Paris’ 9th arrondissement," saad ng ahensya sa kanilang pahayag.
Kinumpirma rin ng DFA ang posibleng pagkawala ng bust mula sa mga petsang Oktubre 25 at 26.
Habang inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa likod ng nasabing pagkawala, ipinaliwanag ng DFA na sadyang lapitin ng mga bandalismo, paninira, at pagnanakaw ang mga pampublikong monumento.
Gayunpaman, tinitiyak ng DFA na nakikipagtulungan na sila sa mga otoridad sa Paris, at kasalukuyan nang binabantayan ang proseso ng imbestigasyon.
"The Embassy continues to work closely with local authorities and the Filipino community in Paris to pursue all avenues for recovery or replacement, and remains committed to preserving the memory and values that the monument represents," pagtitiyak ng ahensya.
Sa kaugnay na ulat, ang bust ni Rizal ay itinayo sa Paris noong Hunyo 2022, sa 9th arrondissement na distrito ng lungsod, kasabay ang ika-75 bilateral relations sa gitna ng Pilipinas at France, at bilang simbolo rin ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Sean Antonio/BALITA