Nanindigan ang Palasyo na hindi umano pamumulitika ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga proyekto ng nagdaang administrasyon.
Kaugnay ito sa mga alegasyong ang pagbubukas umano sa imbestigasyon ng “Dolomite Beach Project” noong administrasyong Duterte ay “politically motivated,” at isang paraan upang mapagtakpan ang isyu ng anomalya sa flood control projects sa bansa.
“Hindi naman po ibig sabihin na kapag ka po iniimbestigahan ang mga proyekto ng nakaraang administrasyon, ito’y pamumulitika lamang. Ibig po bang sabihin kapag ka pinaiimbestigahan ang nakaraang proyekto na naganap o nagawa ng nakaraang administrasyon, dapat hindi na ito paimbestigahan dahil otherwise, it will be considered as politicizing? Parang hindi naman po yata tama ‘yon,” ani Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Nobyembre 4.
“Ibig sabihin po noon, kapag ka hindi na ginalaw o inalam ang nangyari noong nakaraang administrasyon, parang libre na po lahat ng kanilang ginawa, so tama lamang po ito,” karagdagan pa niya.
Iginiit naman ng press officer na hindi makikialam ang Pangulo sa imbestigasyong ito sapagkat ito ay trabaho ng mga mambabatas.
“Pero muli, ang sabi ng Pangulo, at ng administrasyong ito, hindi po sila makikialam kung ano po ang ginagawa ng mga mambabatas natin sa kanilang pag-iimbestiga,” saad ni Usec. Castro.
Matatandaang inanunsyo ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na sisimulan ng Kamara sa Nobyembre 17 ang imbestigasyon hinggil sa Dolomite Beach Resort.
KAUGNAY NA BALITA: Imbestigasyon sa dolomite beach, pagugulungin sa Kamara—solon-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA